CHED: UNIVERSITIES GAWING VACCINATION CENTERS
TINIYAK ni Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera III na patuloy ang pagsisikap nila na matiyak na mababakunahan ang lahat ng mga estudyante at maging ang mga staff ng higher educational institutions sa bansa.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni De Vera na maaaring talakayin ang tuluyang pagbubukas ng lahat ng kurso sa kolehiyo kung maitataas pa ang porsiyento ng mga bakunadong estudyante.
Sinabi ni De Vera na isa sa kanilang isinusulong ay ang ibaba ang pagbabakuna sa mga paaralan, kolehiyo o unibersidad.
Ipinaliwanag ng opisyal na bahagi ng kanilang rekomendasyon ay pagsikapan ng mga paaralan, kolehiyo o unibersidad na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para mabigyan sila ng sapat na suplay ng bakuna.
Inamin ni De Vera na nagiging hadlang sa pagbabakuna sa mga estudyante ang kawalan ng sapat na suplay ng bakuna at ang hindi magandang relasyon ng mga unibersidad sa kanilang LGUs.
Sa ngayon, kinumpirma ng opisyal na patuloy ang kanilang pag-iikot upang maisakatuparan ang kanilang rekomendasyon na gawing vaccination sites ang mga unibersidad.
Sinabi ni De Vera na sa pinakahuling datos ay nasa 27 percent pa lamang ng mga college student ang nababakunahan.