Nation

CHED TINIYAK NA MAY MALILIPATAN ANG MGA ESTUDYANTE MULA SA MAGSASARANG PRIVATE SCHOOLS

/ 29 August 2020

TINIYAK ni Commission on Higher Education Chair Prospero de Vera III na makapagpapatuloy sa kanilang pag-aaral ang mga estudyanteng galing sa mga pribadong eskuwelahan na magsasara bunsod ng pandemya.

Ayon kay De Vera, may mga unibersidad o pamantasan na lumapit sa kanilang regional office at nagtatanong kung ano ang mangyayari kapag sila ay nagsara.

“Continuous ang ating usapan dahil sisiguruhin muna ng Komisyon na dapat siguruhin ng university na iyong kanilang mga estudyante ay makakalipat; iyon ang unang requirement. Dahil iyan ay responsibilidad ng isang pamantasan, ibig sabihin iyong kanilang semestrals ay kailangang maibigay at sila ay makalipat sa public or private universities,” sabi ni De Vera sa isang virtual press briefing.

Tinitingnan pa umano ng Komisyon kung gaano katagal titigil sa kanilang operasyon ang nasabing mga unibesidad.

“Kasi ang isang problema diyan, kapag sila ay nag-retrench ng kanilang faculty halimbawa, kung sila ay kukuha ng bagong faculty, ang unang tanong diyan, ang kanilang mga degree programs ba ay kailangang i-authorize muli ng CHED. Dahil ang isang private university, kapag magbubukas ng isang degree program, ini-evaluate muna ng Komisyon iyan at ang isang ine-evaluate ay iyong kakayanan ng mga faculty. Ano iyong credentials ng faculty na magtuturo. So, kung existing iyong degree program mo pero nag-retrench ka ng faculty at magha-hire ka ng mga bago, ang tanong, ikaw ba ay papayagan ng Komisyon na magbukas muli dahil iba na ang makapagtuturo,” paliwanag pa ng Kalihim.

Sinabi niya na  maglalabas ang Komisyon ng isang memorandum circular patungkol dito sa susunod na linggo.

“Sa aming konsultasyon, ang lumalabas na consensus, kung magsasara naman ng isang taon lang at magre-retain ng lagpas 50 percent halimbawa ng faculty, baka hindi na kailangang i-authorize ulit ng CHED iyong pag-offer ng degree program; baka payagan na,” wika ni De Vera.

“So, naghahanap tayo ng common ground na hindi bababa o masisiguro natin iyong kalidad ng edukasyon, at the same time gusto rin nating tulungan iyong mga private universities na nagigipit ngayong panahon ng pandemya,” dagdag pa niya.