CHED SUSPENDS ALL FOREIGN INTERNSHIPS
SINABI ngayon ni Commission on Higher Education Chair Prospero De Vera III na sinuspinde na ng Komisyon ang lahat ng foreign interships para tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante sa kabila ng mga banta ng coronavirus disease.
“Para siguruhin ang kaligtasan ng mga estudyante, sinuspinde na ng Commission lahat ng foreign internship ngayong school year na ito dahil hindi tayo sigurado sa kalagayan ng ating mga estudyante kapag sila ay pinaalis natin,” pahayag ni De Vera sa isang virtual press briefing.
“Hindi natin alam kung iyong kanilang pupuntahang mga lugar ay ligtas at kapag nagkaproblema sila, nahihirapan tayong ibalik sila sa Pilipinas. So, suspended lahat ng foreign internship,” dagdag pa ng hepe ng CHED.
Sinabi rin ni De Vera na wala na umanong National Medical Admission Test para sa mga estudyanteng gustong mag-aral medisina para sa academic year 2020-2021.
“Sa medical program, hindi na natin ire-require ang NMAT para sa school year na ito para sa mga papasok na mga estudyante sa medical school dahil hindi naibigay ang NMAT ng sapat na oras,” wika ni De Vera.
Tuloy-tuloy din, ayon sa kanya, ang ating konsultasyon sa mga state universities and colleges, sa mga local universities and colleges at private higher education institutions doon sa paggawa ng guidelines para sa limited face-to-face sa low risk modified general community quarantine areas na pinaplano nilang gawin kung kailan ligtas na.
“Malamang sa second semester or sa January ito puwedeng gawin pero inihahanda na natin iyong mga pamantasan pati pagpunta at pagtingin sa kanilang pag-retrofit ng kanilang mga klase,” sabi De Vera.
Sinabi pa ni De Vera na sa ilalim ng Bayanihan 2 Act ay nagbigay ang Kongreso ng P3 billion para sa pag-develop ng smart campuses para siguruhin ang ating mga universities ay mayroong connectivity.
“At nagpapasalamat din ang Komisyon na nagbigay ng P300 million sa Bayanihan 2 para bigyan ng ayuda ang ating mga part-time teachers and non-teaching personnel na hindi naisama sa ayuda sa Bayanihan 1,” pagtatapos ng CHED chairman.