CHED SA SOLONS: UPGRADING NG STATE COLLEGES BILANG STATE UNIVERSITIES SUPORTAHAN
DIREKTANG umapela si Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera sa mga mambabatas na suportahan ang state colleges na ipinapanukalang maging state universities sa kanilang pagtugon sa mga requirement ng ahensiya.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education sa mga panukala para sa conversion ng ilang kolehiyo bilang state universities na pinangunahan ni Senador Joel Villanueva, sinabi ni De Vera na simula pa noong 15th Congress, marami nang panukalang batas ang inaprubahan para sa upgrading ng state colleges na maging state universities.
Inihalimbawa ni De Vera na noong 2015, 12 educational institutions ang inaprubahang maging state universities kung makatutugon sa requirements ng CHED sa loob ng tatlong taon.
Gayunman, makalipas ang tatlong taon, tatlo lamang sa 12 institusyon ang nakatugon sa mga kinakailangang requirement at naisyuhan ng certificate of compliance ng CHED.
Idinagdag ni De Vera na para sa siyam pang educational institutions, kinakailangan pang magpasa ng panibagong mga batas upang palawigin ang panahon ng kanilang pagtugon sa mga requirement.
“If the Senate really wants to pass these conversion bills, we don’t have any opposition consistent with provisions that they must comply with CHED requirements. But we are appealing to lawmakers/proponents to work hand in hand with the Commission to make sure they (educational institutions) become compliant,” pahayag ni De Vera.
Ipinaliwanag ni De Vera na ang pagtugon sa requirements ay kadalasang nangangailangan ng resources para sa pagsasaayos ng kanilang pasilidad, pagkakaroon ng competent faculty members at degree programs na may quality assurance.