CHED PINUNA SA INILABAS NA PATAKARAN PARA SA TUITION HIKE APPLICATIONS
PINUNA ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago ang kabiguan ng Commission on Higher Education at Department of Education na pigilan ang pagtataas ng matrikula sa iba’t ibang learning institutions sa gitna ng Covid19 pandemic.
“Last year in the midst of the pandemic and socioeconomic crisis, DepEd approved 654 out of 901 tuition hike applications in June 2020. Meanwhile, CHED received 89 tofi applications but no data were presented yet on how many schools were approved by the Commission,” pahayag ni Elago sa kanyang privilege speech.
Sinabi pa niya na sa halip na hikayatin ng CHED ang mga paaralan na ipagpaliban muna nag pagtataas ng matrikula at iba pang singilin, nagpalabas pa sila ng ‘The Interim Guidelines as to the Timeline on the Processing of Applications to Increase Tuition and Other School Fees for AY 2021-2022’.
Ayon sa kongresista, ang Saint Louis University sa Baguio ay nagpatupad ng 7 percent tuition increase para sa freshmen, law, at medical students bukod sa karagdagang P1,000-1,500 fee para sa printed learning modules.
Ang Holy Angel University at Lyceum of the Philippines ay nasa proseso naman ng tuition hike application, habang ang De La Salle University ay humihiling din ng 2.5 percent tuition increase para sa AY 2021-2022.
Hindi naman nagpatupad ng pagbabago ang University of Mindanao, Silliman University at Jones Rural School-Senior High School sa Cagayan Valley.
“The lack of breakdown of fees in some institutions is also a big complaint of students and their parents,” pagbibigay-diin ni Elago.
Pinuna rin ng mambabatas ang iba pang singilin sa kabila ng distance learning at hindi nagagamit na mga pasilidad tulad ng Related Learning Experience Fee sa Cavite State University, gayundin ang OJT fee, cultural fee, gym fee, energy fee, dental fee at laboratory fees.
Sinabi ni Elago na sa gitna ng hirap na nararanasan ng mga estudyante sa kasalukuyang sistema, patuloy ang kanilang panawagan para sa implementasyon ng free education sa public school, pagbasura sa tuition at other fees hikes at ipatigil ang koleksiyon ng unused school fees sa distance learning.
Iginiit din ng mambabata ang pagpapalawig ng financial support sa mga estudyante, guro at mga staff sa edukasyon bukod pa sa pagtiyak ng maayos na dormitoryo, transportasyon at iba pang public services.