CHED NGANGA SA P3.6-B ‘TULONG-DUNONG’ BUDGET
HINDI pa tiyak ng Commission on Higher Education kung kailan darating ang P3.6 bilyong pondong laan para sa mga benepisyaryo ng Tulong-Dunong Program dahil ang halagang para sa kasalukuyang taon sana ay nirealoka sa ibang bagay na direktang makatutugon sa mga suliraning pang-Covid19.
Sa pagdinig sa Kongreso ay iniulat ni Northern Samar Rep. Paul Daza na makatlong ulit nang sumulat ang CHED sa Department of Budget and Management upang pakiusapang ilabas na ang 2020 budget ng mga mag-aaral sa kolehiyo pero hanggang ngayon ay wala pa rin ito.
Sa Tulong-Dunong kumukuha ng P12,000 na pinansiyal na ayudang makatutulong upang makabayad ng matrikula ang mga iskolar ng CHED. Ngayon na nagsimula na ang pasukan ay nangangamba silang hindi makabayad dahil wala pa ring balita kung kailan nila matatanggap ang naturang stipend.
Samantala, sinabi ni Daza na ang college enrollment ay inaasahang bababa ng 10 hanggang 15 porsiyento dahil sa krisis na dala ng Covid19. Ang numerong ito ay signipikante sa budget allotment sa 2021 na ngayo’y nakaipit pa rin sa Kongreso.
Nauna nang inilabas ng DBM ang aprubado nilang P50.9 bilyon para sa CHED sa susunod na taon – mas mataas ng P3 milyon kumpara sa 2020. Pero batay sa komputasyon, P44 bilyon dito ay para sa free education program.
Noong Setyembre ay nauna nang inanunsiyo ni CHED Chair Prospero de Vera na ginagawan na ng paraan ng kaniyang tanggapan ang nabanggit na mga suliranin at tinitingnan nilang kuhanan ng pondo ang nasa Tertiary Education Subsidy.