Nation

CHED MAGPAPATUPAD NG ACCELERATED NURSING MASTER’S DEGREE PROGRAM

/ 4 October 2023

BUBUO ang Commission on Higher Education ng accelerated master’s degree program upang mapaikli ang pagkuha ng masteral ng mga nursing graduate at makapagturo sila sa mga unibersidad.

Isa ito sa nakikitang paraan ng CHED para matugunan ang problema sa kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas.

Sa pagdinig sa panukalang 2024 budget, sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera III na bagama’t inalis na ang moratorium sa pagbubukas ng mga nursing program sa mga paaralan, karamihan sa mga ito ay hindi makapagbukas ng maraming section.

Ito ay dahil kulang sa mga nurse o faculty member na may master’s degree na maaaring magturo.

Ipinaliwanag ni De Vera na ang problema ay in demand din sa ibang bansa ang mga nurse na may master’s degree kaya nag-aalisan sila sa Pilipinas.

Kaya naman magpapatupad ang CHED ng accelerated master’s degree program na kikilala sa prior learning o experience ng mga nurse para mapaikli na ang kanilang master’s program.

Sinabi ni De Vera na target nila itong ilunsad sa susunod na academic year.

Sa tulong nito, inaasahang sa Academic Year 2027-2028 ay magkakaroon ang bansa ng karagdagang 2,000 nursing graduates.