CHED KINUWESTIYON SA MABABANG BILANG NG MEDICAL SCHOLARS
KINUWESTYON ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Commission on Higher Education sa kabiguang mapunan ang target scholars sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan.
KINUWESTYON ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Commission on Higher Education sa kabiguang mapunan ang target scholars sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan.
Sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2024 budget ng CHED, pinuna ni Villanueva ang datos na noong isang taon, sa 900 slots para sa medical scholarship, 425 lamang ang napunan at sa P250 milyon na alokasyon, P117 milyon lamang ang na-obligate o katumbas ng 47 percent habang P89 milyon o 35 percent ang na-disburse.
“Anong reasons why the actual number of scholars is only 50% ng target slots. Hindi ko alam, kaunti lang ba ang aplikante? Ang daming sumusulat at nagpapahingi ng endorsement,” pahayag ni Villanueva.
Ikinagulat ni Villanueva na sa proposed budget para sa susunod na taon ay doble ang target na scholars subalit pareho lamang ang alokasyon.
Nangangamba ang senador na dahil dito ay bababa ang per capita cost sa bawat scholar.
Ipinaliwanag naman ni CHED Chairman Prospero de Vera III na marami sa mga medical school na nagbukas ay limitado lamang sa isang section ang kanilang tinanggap.
Katunayan, pinakahuli ang Palawan State University na tumanggap lamang ng 30 medical scholars bunsod ng maliit na pasilidad at hindi pa sapat ang bilang ng kanilang faculty members.
Sinabi pa ni De Vera na may mga pribadong unibersidad na rin silang ka-partner para sa implementasyon ng Doktor Para sa Bayan Law subalit mababa rin ang intake dahil atubili ang iba sa return service requirement.
Nangako naman si De Vera na mas magiging agresibo ang ahensiya sa promosyon ng medical scholarship upang mapataas pa ang bilang ng scholars.
Nangako rin ang opisyal na pag-aaralan na ang mga nakabimbing aplikasyon ng mga unibersidad para magkaroon ng medical schools partikular sa Regions 3, Cordillera Administrative Region at CARAGA.