Nation

CHED IIMBESTIGAHAN ANG PAGHARANG NG UNIBERSIDAD SA LAGUNA SA GRADUATION NG 2 ESTUDYANTE

SISILIPIN ng Commission on Higher Education ang desisyon ng isang pampublikong unibersidad sa Laguna na harangin ang graduation ng dalawang estudyante na namamahala sa isang freedom wall-type na Facebook page na nag-post ng content na kritikal sa mga patakaran ng paaralan.

/ 25 June 2023

SISILIPIN ng Commission on Higher Education ang desisyon ng isang pampublikong unibersidad sa Laguna na harangin ang graduation ng dalawang estudyante na namamahala sa isang freedom wall-type na Facebook page na nag-post ng content na kritikal sa mga patakaran ng paaralan.

Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, umapela ang dalawang estudyante mula sa Pamantasan ng Cabuyao sa CHED na mamagitan at payagan silang makapagtapos ngayong semestre matapos silang maparusahan sa pagpapatakbo ng isang “online parody” account na naglathala ng nilalaman na kritikal sa unibersidad.

Naglabas ng saloobin sina Joshwell Miko Decena at Jomar Aquino sa kanilang Facebook account laban sa PnC sa parusang ipinataw sa kanila at nagpadala ng liham sa CHED upang aksiyunan ang nasabing isyu.

Ayon kay De Vera, hindi makatuwiran ang parusang ipinataw ng unibersidad sa dalawang estudyante.

“The issues raised, particularly on the students’ right to ventilate their sentiments, and the penalties imposed on them are serious and must be looked into as it affects not only the completion of the studies of our students, but touches on the fundamental right of expression of students in our ever-changing academic environment,” sabi ni De Vera.

“Thus, we deem the resolution of this matter a critical matter,” dagdag pa niya.

Sinabi ni De Vera na inatasan niya sina CHED Executive Director Cinderella Filipina Benitez-Jaro at Legislative Services Director Frederick Farolan na agad na tingnan ang isyu at tukuyin ang anumang kinakailangang aksiyon na dapat gawin ng CHED.