Nation

CHED CHAIR NANINDIGANG PROBLEMATIC ANG UP-DND ACCORD

/ 18 May 2021

NANINDIGAN si Commission on Higher Education chairman Popoy de Vera sa deklarasyon nito na problematic ang ibinasurang accord ng University of the Philippines at Department of National Defense.

Sa virtual hearing ng House Committee on Higher and Technical Education na pinangunahan ni Baguio City Rep. Mark Go, sinabi ni De Vera na sa pagtalakay sa usapin ng accord, dapat ikonsidera ang aspeto ng law and order at hindi lamang ang isyu ng academic freedom.

Tinalakay sa pagdinig ang House Bills 8437, 8514 at 8545 na nagsusulong ng pag-amyenda sa Republic Act 9500 o ang UP Charter of 2008 para sa institutionalization ng 1989 UP-DND Accord sa Charter.

Sa pagdinig, sinabi ni De Vera na hindi naresolba sa mga panukalang batas ang isyu hinggil sa bahagi ng UP campus na saklaw ng accord.

“I raise the question what is the UP campus being referred? Is it UP campus in Diliman or academic core. It is not clarified in the bills,” diin ni De Vera.

Iginiit niya na marami ang nagsasabi na dahil sa abrogation ng kasunduan, posibleng malagay sa panganib ang kanilang buhay.

“There are references of not feeling safe because of the abrogation…I have been a resident of UP campus since 2004 and I don’t feel safe inside the UP campus, with or without the accord,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi ni De Vera na kamakailan lang ay pinasok ng mga magnanakaw ang kanyang bahay sa loob ng UP campus at dahil sa kawalan ng CCTV sa lugar, tumagal ng dalawang araw bago natukoy ng mga pulis ang nasa likod ng insidente.

Dahil dito, hinamon ni De Vera ang mga kongresista na nagsusulong ng mga panukala na tumira muna sa loob ng UP upang malaman ang totoong sitwasyon sa lugar.

Sinabi naman ni Cong. Kit Belmonte na ang kawalan ng CCTV sa lugar ay hindi dapat iugnay sa UP-DND accord dahil reponsibilidad ito ng barangay na nakasasakop sa lugar.

Iginiit ni De Vera na ang kailangang gawin ng UP ay bumalangkas ng mga pamamaraan upang matiyak ang kaligtasan sa lugar.

Samantala, nilinaw ng DND na binuo ang accord noong June 30, 1989 o noong mga panahon na hindi pa nabubuo ang Philippine National Police at ang tanging law enforcer ay ang Philippine Constabulary-Integrated National Police na nasa ilalim ng Armed Forces of the Philippines.

Inirekomenda ng DND na amyendahan ang mga panukala at sa halip na ang kanilang ahensiya ay mas makabubuting ang Department of the Interior and Local Government ang kasama sa kasunduan.

Sa pagtatapos ng pagdinig, nagkasundo ang mga miyembro ng komite na bumuo ng Technical Working Group para bumuo ng komprehensibong substitute bill para sa mga panukala.