Nation

CHARTER NG TESDA DAPAT NANG AMYENDAHAN — SENADOR

/ 22 October 2020

AMINADO si Senador Joel Villanueva na dapat nang amyendahan ang charter ng Technical Education and Skills Development Authority kung ang hangarin ay ang madagdagan ang training and assessment centers sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay sa Republic Act 7796 o ang Rules and Regulations sa pagpapatupad ng TESDA Act, ang pagtatayo ng bagong TESDA training and assessment centers sa municipal at city level ay naka-devolve o ipinauubaya na sa lokal na pamahalaan.

Alinsunod sa batas, ang TESDA ay maaaring magtayo ng training at assessment centers hanggang sa provincial level na lamang at pagdating sa mga munisipyo ay susuporta na lamang sila para sa training at scholarship.

Sinabi ni Villanueva na nagiging problema ito sa TESDA dahil halos wala namang ‘takers’ na lokal na pamahalaan para sa partnership sa ahensiya at kung mayroon man, kapag nawala na sa puwesto ang alkalde ay kadalasang nagiging palamuti na ang traning center at hindi na napopondohan ng susunod na mga lokal na opisyal.

“If we wanted to increase the number of TESDA Training Institutes, we have to modify or amend the charter of TESDA,” diin ni Villanueva, chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education.

Sinabi ni Villanueva na sa ngayon ay mayroong 45 House Bills at 16 Senate Bills na nakabimbin  sa kanyang komite para sa pagtatayo ng mga training at assessment center sa iba’t ibang lugar sa bansa.

“Kung aaprubahan natin ang mga ito ay babaha ng training centers and I don’t know if we are able to allot budget for these,” pahayag ni Villanueva.

Batay rin sa tala, noon pang Mayo 16, 2016 huling nagpasa ng batas para sa pagtatayo ng TESDA Center bagama’t umabot na sa 187 ang training institutes.