CHA-CHA HINDI SAGOT SA KAHIRAPAN — LFS
NANAWAGAN sa pamahalaan ang League of Filipino Students para sa mass testing at epektibong contact tracing dahil sa pagpasok ng bagong variant ng SARS-CoV-2 sa bansa.
Ayon sa grupo, hindi dapat unahin ang pagtutulak sa Charter Change, bagkus ay dapat bigyang prayoridad ang pagtugon sa Covid19 pandemic.
“Sa pagpasok ng bagong variant ng SARS-CoV-2 dito sa Filipinas, tayo ay nananawagan sa estado para sa isang makamasa at abot-kaya na mass testing at epektibong contact tracing. Ngunit sa kabila ng mag-iisang taong pagpapaingay ng mga panawagan, inuuna pa rin nila ang pansarili at mga imperyalistang katulad ng pagtutulak ng isang Charter Change.”
Dagdag pa ng grupo na hindi sagot ang Charter Change sa kahirapan ng mga Filipino.
“Malinaw ang isang bagay: hindi charter change ang sagot sa paghihirap na dinaranas ng mamamayang Filipino. Sa simula pa lang, ang paghihirap ng mamamayang Filipino ay dulot ng kanilang kapabayaan, mula sa pagsagawa ng travel ban hanggang sa procurement ng bakuna. Bagkus, isang malaking insulto ang pagratsada ng cha-cha sa harap ng samu’t saring isyung dinaranas ng masa.”
Kaugnay nito ay inanyayahan ng grupo ang mga kabataan na dumalo sa mass orientation sa Enero 17 ukol sa nabanggit na isyu.