CENTRAL LUZON STATE U UMAAYUDA SA KAMPANYA VS AFRICAN SWINE FLU
KINUMPIRMA ni Agriculture Secretary William Dar na tumutulong na rin ang Central Luzon State University upang makabuo ng rapid test kit para sa pagsusuri sa African Swine Flu.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture kaugnay sa patuloy na pagsipa ng presyo ng mga bilihin, sinabi ni Dar na nasa advanced stage na ang unibersidad sa paggawa ng test kit.
Kinumpirma ni Dar na ang pag-aaral at development na ginagawa ng CLSU ay kanilang pinondohan katuwang ang Department of Science and Technology.
Iginiit pa ng kalihim na naglaan na sila ng P80 milyon para sa manufacturing ng rapid test kits sa sandaling matapos na ng unibersidad ang development nito.
Naniniwala ang kalihim na malaking tulong ang aksiyon ng CLSU upang agad na masuri ang mga alagang baboy at matukoy kung apektado sila ng ASF at agad na malunasan.
Sa pagdinig, tinukoy na isa sa dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay ang kakulangan sa suplay kaya nangako ang kalihim na babalangkas pa ng mga programa upang matiyak na magkakaroon ng katatagan sa suplay ng karne sa merkado.