CELLPHONE BAN SA ORAS NG KLASE PINAG-AARALAN
PINAG-AARALAN ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian ang pagbalangkas ng panukala na magbabawal sa paggamit ng cellphones ng mga estudyante sa oras ng klase.
PINAG-AARALAN ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian ang pagbalangkas ng panukala na magbabawal sa paggamit ng cellphones ng mga estudyante sa oras ng klase.
Ito, ayon kay Gatchalian, ay isa sa posibleng paraan upang maibalik ang interes ng mga estudyante sa pagbabasa.
Aminado ang senador na sa ngayon ay nawawala na ang interes ng mga bata sa pagbabasa dahil nahuhumaling sila sa paggamit ng cellphone para maka-access sa iba’t ibang platforms.
Sinabi ni Gatchalian na ginagawa na rin ito sa iba’t ibang bansa upang matiyak na ang atensiyon ng mga estudyante sa oras ng klase ay nakatutok lamang sa kanilang pag-aaral.
Sa plano ng senador, ipatutupad ang ban sa cellphone sa oras ng klase mula elementarya hanggang senior high school.
Nilinaw naman ng senador na sa ngayon ay nasa proseso pa sila ng pag-aaral sa pagbalangkas ng panukala at sa sandaling mabuo ito ay saka nila ihahain.
Gayunman, isa, aniya, sa agarang aksiyon na dapat gawin para maibalik ang interes ng mga bata sa pagbabasa ay ang pagbuo ng iba’t ibang aktibidad kasabay ng pagdedeklara sa buwan ng Nobyembre bilang national reading month.