CEBU TECHNOLOGICAL U PROFS NANGUNA SA TALAKAYANG MTB-MLE
LIMANG Cebuano Studies Research Papers ang ibinahagi ng mga propesor ng Cebu Technological University sa 2021 International Mother Language Conference and Festival noong Pebrero 24 via Zoom.
Pokus ng CTU panel ang usaping wika, partikular sa pagagamit ng Cebuano bilang bernakular, Filipino bilang lingua franca, at Ingles bilang unang wikang banyaga ng mga mag-aaral sa lalawigan.
Sa “Lingustic Features and Spelling Error Categories on Expository Categories in Expository Paragraphs of Multilingual Fourth Graders” ni Dr. Lanny Merryl Gallarde sinagot ang mga tanong hinggil sa dahilan ng pagkakaiba sa pagbaybay ng mga mag-aaral sa ikaapat na baitang. Tatlong linguistic features and spelling error categories ang ginalugad ng propresor – phonologically-based, orthographically-based, at morphologically-based language codes.
“Dialectical Differences of Cebuano Words” naman ang inilahad na papel ni Dr. Rowanne Marie Maxillom-Mangompit. Ang pag-aaral niya ay mayroong layuning pormal na mailarawan at masuri ang diyalektikal na pagkakaiba ng mga diyalekto ng wikang Cebuano at ang tuluyang pagpapayabong dito.
Napapanahon ang paksa ni Maxillom-Mangompit sapagkat nitong Pebrero 21 lamang ay ipinagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng mga Inang Wika. Ang paggamit ng Cebuano bilang bernakular at midyum sa pagtuturo ang isinusulong ng propesor, kasama ang iba pang kasama niya sa panel na ito.
Samantala, assessment sa kasalukuyang pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education ang huling tatlong bahaginan: ‘Feedback and Assessment of MTB-MLE Modules’ ni Dr. Fe Varona, ‘MTB-MLE Instruction in Teaching Mathematics’ ni Dr. Antonio Cinco, at ‘Pag- asuy as a Tool in Developing Students’ Oral Language Fluency in the Classroom: Implications to MTB-MLE Instruction’ ni Dr. Cristie Ann Jaca.
Binuo ng CTU ang Cebuano Studies Panel bilang pakikiisa sa IMLCF 2021 na nagsimula noong Pebrero 21 hanggang Marso 20. Ayon sa paliwanag ni Dr. Lynnette Matea Camello, CTU College of Arts and Sciences Dean, ito na ang tamang panahon para isulong ang pagkakapantay-pantay ng mga wika – sa araw-araw mang pamumuhay hanggang sa samu’t saring akademikong larangan.
Para mapalalim pa ang paksang binuksan ng mga nasabing guro’y sinundan ito ng apat pang mga papel-pananaliksik tungkol sa MTB-MLE at araw-araw na multilingguwalismo.
Narito ang ‘Multilingual Family Language Socialization and Policies in the Davaoeno Context’ ni Jeconiah Louis Dreisbach (De La Salle University Manila), ‘Everyday Multilingualism as Grassroots Multilingualism’ ni Jayson Parba (University of Hawaii Manoa), ‘Multilingual Araw- Araw: Meaning-Making Repertoire at ang Tamang Kahulugan ng Nosebleed’ ni Priscilla Tan Cruz (Ateneo de Manila University), at ‘Everyday Multilingualism and Pinoy Pop Culture Online’ ni Priscilla Tan Cruz (Ateneo de Manila University).
Si Isabel P. Martin ng Pamantasang Ateneo ang nagsilbing tagapagdaloy ng buong talakayan.
Higit 40 panel presentations ang inaabangan ng mga kalahok sa kumperensiya, kasama ang palihang pasisimunuan ng Executive Director ng The POST na si Prop. Eros Atalia.
Katuwang ng Talaytayan at ng The POST ang University of Fukui, University of the Philippines Mindanao, Philippine Normal University, University of Santo Tomas Graduate School, Nakem Conferences, Agusan del Sur State College of Agriculture and Technology, Benguet State University, Lyceum of the Philippines University, Magbikol Kita, at Mariano Marcos State University for Iloko and Amianan Studies sa IMLCF.