CASH BONUS SA TOP 3 HIGH SCHOOL GRADUATING STUDENTS
BILANG pagkilala sa pagsisikap ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral, isinusulong ng isang kongresista ang pagkakaloob ng cash incentives sa top 3 graduating students sa public high school.
Inihain ni Parañaque City 1st District Rep. Eric Olivarez ang House Bill 7659 o ang proposed Cash Incentive for the Top Three High School Students Act of 2020 na naglalayong hikayatin ang mga estudyante na pagbutihin ang kanilng pag-aaral.
“Students who display excellence academically or otherwise possess an intense passion for learning and love for knowledge. This kind of young people are the nation’s hope towards better governance and leadership,” pahayag ni Olivarez sa kanyang explanatory note.
Alinsunod sa panukala, ang top three graduates ng bawat public high school ay bibigyan ng cash incentives sa kanilang commencement exercise.
Ang Valedictorian ay pagkakalooban ng P10,000; P5,000 sa salutatorian at P3,000 sa First Honorable Mention na magmumula sa pondo ng lokal na pamahalaan na nakasasakop sa paaralan.
Ipinaliwanag ni Olivarez na layon din ng insentibo na matulungan ang mga estudyante na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
“It is the State’s responsibility to make sure that these young intelligent people get an opportunity to finish their studies regardless of their situation in life,” diin pa ni Olivarez.