Nation

CASH-BASED BUDGETING INALMAHAN NG KONGRESISTA

/ 3 January 2021

NANINIWALA si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ginagamit na ‘excuse’ ng administrasyong Duterte ang cash-based budgeting upang tapyasin ang pondo ng Department of Education at ng Commission on Higher Education.

“Simula nang ipinatupad ito noong 2019, ginamit ang so-called budget reform na cash-based budgeting bilang excuse para sa malalaking cuts sa mga ahensiya gaya ng sa edukasyon at kalusugan,” diin ni Castro.

“Huwag nating kalimutan ang malaking budget cuts sa edukasyon magmula sa isinumiteng 2021 NEP hanggang sa naaprubahang 2021 budget ni Pang. Duterte, gaya ng pondo para sa Special Education Program, school-based feeding program, allowances, training, at promotion ng mga guro at kawani,” dagdag ng mambabatas.

Pinuna rin ng kongresista ang pagiging ‘double standard’ ng gobyerno sa pagpapatupad ng sistema.

“Bukod dito, nakikitaan din natin ng hypocrisy ang administrasyon. Exempted sa CBB ang infrastructure capital outlays o pondo para sa big-ticket infra projects, pero ang buong pondo para sa edukasyon, hindi,” paliwanag ni Castro.

“Kung totoong para sa efficiency and effective use of public funds ang administrasyon, walang ganitong klaseng double standard at pagtitipid kung saan mas tali ang kamay ng edukasyon — pero sa paggastos ng infra-pork, hindi,” dagdag pa ng kongresista.

Naniniwala rin si Castro na dagdag pahirap sa sektor ng edukasyon ang cash-based budgeting.

Ipinaliwanag ng mambabatas na nagmula ang panukalang probisyon na i-exempt sa CBB ang DepEd at CHED sa mga konkretong kalagayan at panawagan ng mga eskwelahan.

Una nang umalma ang DepEd at state universities and colleges sa cash budgeting system dahil karamihan sa kanilang mga programa, aktibidad, at proyekto ay kada school year o academic year— na tumatawid ng dalawang fiscal years — kaya hindi maaaring itali sa iisang fiscal year ang kanilang pondo.

“Ang kalagayan at panawagang ito ng edukasyon ay ipinagwalang-bahala lang ni Pang. Duterte sa kanyang pag-veto sa Special Provisions 27 at 7 ng DepEd at CHED,” ayon kay Castro.