Nation

CASH AID PARA SA 62 NAVOTAS SCHOLARS IPINAMAHAGI NA

/ 4 August 2021

UPANG may magamit sa panahon ng enhanced community quarantine sa Agosto 6 hanggang Agosto 20, ipinamahagi na ng pamalaang lokal ng Navotas sa 62 scholars ang kanilang allowance para sa buwan ng Marso hanggang Hunyo.

Nasa P4,000 hanggang P20,800 educational assistance ang natanggap ng mga benepisyaryo ng Navotas Academic Scholarship, kung saan ang 55 ay high school students, dalawa ang college, at lima ang teachers.

“Metro Manila will be under Enhanced Community Quarantine starting August 6. We hope the amount they received will help tide their families over the next two weeks,” sabi ni Mayor Toby Tiangco.

Ang high school academic scholars ay tumatanggap ng P18,000 kada academic year para sa book, transportation at food allowance.

Ang Navotas Polytechnic scholars naman ay tumatanggap ng P22,000 kada academic year para sa tuition, books, transportation at food allowance.

Nasa P75,000 kada academic year naman ang tinatanggap ng teacher scholars para sa kanilang tuition; book, transportation, food allowance; at research grant.

Nauna nang ipinamahagi ng Navotas ang para sa January-June 2021 allowance ng 140 Navotas Athletic scholars na nagkakahalagang P9,900.