CASH AID MATATANGGAP NA NG COLLEGE STUDENTS SA PARANAQUE
IPAMAMAHAGI na ng lokal na pamahalaan ng Paranaque ang financial assistance para sa mga estudyante sa kolehiyo sa susunod na linggo makaraang maantala ito dahil sa resolusyon ng Commission on Elections na nagbabawal sa paglalabas o pagbabayad sa mga expenditure na manggagaling sa pondo ng lungsod sa panahon ng eleksiyon.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang distribusyon ng college financial assistance ay maipamamahagi na sa Mayo 23 at 24 mula alas-8 hanggang alas-11 ng umaga lamang sa Parañaque Sports Complex.
Ang mga estudyante sa kolehiyo na naninirahan sa mga barangay ng Baclaran, Don Galo, La Huerta, San Dionisio, San Isidro, Sto. Nino, Tambo at Vitalez ang unang makatatanggap ng financial aid sa Mayo 23.
Samantala, matatanggap naman ng mga benepisyaryo na naninirahan sa mga barangay ng BF Homes, Don Bosco, Marcelo Green, Merville, Moonwalk, San Antonio, San Martin de Porres at Sun Valley ang kanilang financial grant sa Mayo 24.
Napag-alaman din sa lokal na pamahalaan na ang mga estudyante na may mga grado na 82 hanggang 85 ay makatatanggap ng P3,500 sa bawat semestre o P7,000 sa buong taon habang mas mataas naman ang makukuhang benepisyo ng mga estudyante na may grado na hindi bababa sa 86 sa halagang P5,000 bawat semester na may kabuuang P10,000 sa isang taon.
Sa pagkuha ng kanilang financial assistance ay pinaalalahanan ang mga estudyanteng benepisyaryo na dalhin ang orihinal at photo copies ng kanilang school ID, opisyal na school registration form para sa unang semestre ng School Year 2021-2022, ballpen, at sariling alcohol.
Pinaalalahanan din ang mga estudyante na panatilihing nakasuot ang kanilang school uniforms at school organizational shirts, at iwasang magsuot ng t-shirt na walang manggas, miniskirts at shorts.