Nation

CASANOVA UMILAG SA HÁMON NI ALMARIO HINGGIL SA ‘FILIPINO’, ‘FILIPINAS’

/ 29 July 2021

“HINDI na kailangan ng debate . . . Iyan po ang kapasiyahan ng Kalupunan ng Komisyon sa Wikang Filipino.”

Iyan ang naging tugon ng Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino Arthur Casanova sa hámon sa kaniya ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario hinggil sa pagpapatigil ng paggamit ng mga salitang ‘Filipino’ at ‘Filipinas’.

Inilatag sa Buwan ng Wika 2021 press conference noong Hulyo 28 ang pahayag ni Almario sa The POST hinggil sa bagong kapasiyahan ng KWF.

Ayon kay Almario, “Ang hámon kay Casanova ay sagutin ang mga argumento para sa Filipinas. Kung hindi, isang kakulitan lang ang patuloy na paggamit ng Pilipinas. Dapat nawala na ang Pilipinas nang magkaroon ng F ang alpabeto at naging Filipino ang pangalan ng Wikang Pambansa . . . Ang Pilipinas ay anak ng kaisipang Pilipino at nakaiwanan na ito ng panahon.”

Paulit-ulit binanggit ni Casanova na ginamit sa Konstitusyong 1987 ang Pilipinas at Pilipino kaya mga ito lamang ang marapat na sundin.

Subalit, bigô niyang ipaliwanag na ang Konstitusyon ay orihinal na nakasulat sa Ingles. Ang sálin naman nito sa Filipino ay hindi inendorso ng Kumbensiyong Konstitusyonal, kundi ng noong KWF lamang, kaya hindi ito opisyal.

Tinawag rin ni Casanova na ‘unconstitutional’ ang mungkahi ni Almario, na sa kabilang banda’y hindi nasuportahan ng anumang probisyon. Walang katibayan ang winiwikang ‘unconstitutionality’ ng Filipino at Filipinas dahil ayon kay Almario, nanatiling mungkahi at hindi ipinilit sa taumbayan ang baybay ng dalawang salita.

Hanggang sa pagtatapos ng press con ay walang nailatag na kontra-pananaliksik ang KWF bukod sa mga halimbawang halaw sa panitikan, awitin, at kultura noong panahong Pilipino pa ang kinikilalang pambansang wika.

Nawawala rin sa presentasyon ang empirikal na mga katibayang makapagsasabing nakapaglikha nga ng kalituhan at ligalig ang Filipino at Filipinas. 

Ang usapin tungkol sa sanctions o parusang posibleng ipataw sa mga ‘lalabag’ sa bagong kautusan ay nanatiling walang kasagutan.