CAMPUS RECRUITMENT NG CPP-NPA IBINUNYAG NG 5 DATING ISKOLAR
LIMANG dating mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines at University of the Philippines-Visayas ang humarap sa mga mamamahayag sa National Press Club sa Intramuros, Manila at inilantad ang umano’y paraan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa pagre-recruit.
Ang lima na miyembro ng Sentrong Alyansa ng mga Mamamayan ay sina alyas Ka Red, dating leader organizer sa PUP; Ka Shane, dating high school student at community organizer sa Central Luzon; Ka Eric, dating regional youth and student bureau of CPP Panay at Cadre operator ng 10 schools sa Panay Island; Ka Amihan, dating estudyante sa UP Visayas at Ka Nads, dating miyembro ng student council sa PUP.
Ayon sa grupo, ginamit ng CPP-NPA ang student councils at iba’t ibang student organizations upang mahikayat silang mamundok na una’y inakala umano nilang kabutihan ang hangarin ng idelohiya na para sa bayan hanggang sa unti-unti nilang nalaman na NPA-CPP ang kanilang inaniban.
Tinukoy rin ng isa sa kanila ang ilang personahe na mula sa UP gaya ng isang Alex Danday, at binanggit din ang papel ng grupong AnakBayan sa recruitment ng mga rebelde sa mga mag-aaral.
Sinabi pa ng mga ito na isa sa kanilang kasamahan ang dinala sa bundok na hanggang ngayon ay pinaghahanap ng mga magulang.
Ang kanilang karanasan, ayon kay Ka Nads, sa pagiging aktibong student organizer ay naganap noong 2016 kung saan sumiklab ang rally sa PUP.
Ang paglutang ng limang dating mag-aaral na sumapi sa CPP-NPA ay bilang pagpapatotoo na nagaganap ang recruitment ng mga rebelde sa mga estudyante sa mga kilalang pamantasan, hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan.
Sinabi naman ng National Press Club na sa kanilang tanggapan humarap ang grupong SAMBAYANAN dahil nais nitong maging patas sa saloobin ng bawat panig at nilinaw na wala silang kinikilingan.
“We remain apolitical on issues. But as the bastion of press freedom and free expression, we support any activity whether, left, right, center to air their views,” ayon kay NPC President Paul Gutierrez.