BUWIS SA TRAVEL ALLOWANCE NG MGA GURO SA ELEKSIYON INALMAHAN
INALMAHAN ni ACT Teachers Party-List Rep. France Castro ang pagpapataw ng buwis ng Bureau of Internal Revenue at Commission on Elections sa travel allowance ng mga magsisilbi sa halalan.
“Iligal ang paniningil ng buwis ng BIR at Comelec sa travel allowances ng mga magsisilbing Board of Election Inspectors pati na rin ang mga support staff sa regular precincts, emergency accessible poll precincts, at isolation precincts, at mga medical personnel,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin ng kongresista na dapat maitigil agad ang pagtatapyas sa maliit na benepisyo at ibalik sa lalong madaling panahon ang mga kinuha nila mula sa mga guro at iba pang election service volunteers.
“Ang Comelec mismo ang nagsabi na dapat ay P2,000 ang nasabing allowance: tig-P1,000 para sa Final Testing and Sealing at sa araw ng halalan. Pero ‘di mabilang ang reklamong natatanggap ng aming opisina mula sa mga guro na binabawasan ng Comelec ng umaabot sa P400 o 20% ang allowance bilang income tax diumano,” diin ni Castro.
“Wala itong ligal na basehan. Una, bakit ituturing ng Comelec at BIR na income ang travel allowance samantalang reimbursement ang katangian nito? Ayon sa National Internal Revenue Code, kapag walang realization of gain o economic benefit na nagpapataas ng net worth, hindi matuturing na income ang halaga, at hindi ito maaaring patawan ng income tax,” dagdag ng kongresista.
Ipinaliwanag ng mambabatas na sa travel allowance, balik-bayad lang ang P2,000 sa mga gagastusin ng mga BEI kaya hinahati ng Comelec sa nasabing dalawang araw.
“Inaasahan ba ng Comelec at BIR na sa panahon ng pandemya at sa mahal ng pamasahe at presyo, madadaan nila sa thank you lang ang serbisyo ng mga guro at poll workers?” dagdag pa niya.
Sinabi pa niya na noon ay hindi binubuwisan ang travel allowance at lahat ng election service benefits, at dahil ito sa pagkilala ng Comelec at BIR na hindi income ang mga ito.
“Nagsimula lang ang iligal na pagkakaltas noong 2016 elections, matapos ipasa ang Republic Act 10756 o Election Service Reform Act. Pero wala sa batas na ito—o kahit sa anumang batas—na nagbibigay awtoridad sa Comelec at BIR na buwisan ang mga benepisyo dito,” dagdag ni Castro.