BUWAN NG MAYO VOTER REGISTRATION MONTH
EKSAKTONG isang taon na lamang at halalan na naman sa Filipinas.
Gayunpaman, hindi pa rin naaabot ng Commission on Elections ang target nitong 7 milyong bagong rehistradong botante, apat at kalahating buwan bago ang dedlayn sa Setyembre 30.
Upang palakasin pa ang kampanya sa pagpapatala, kasama ang Vote Pilipinas, inilunsad ng Comelec ang Voter Registration Month kahapon, Mayo 9. Layon nitong ilatag ang sari-saring kampanya tungo sa pag-abot sa target number of new voters ngayong taon. Nais din ng gawain na pag-isahin ang mga organisasyon, paaralan, negosyo, at midya, sa paghihikayat sa publiko na makiisa sa halalan.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, asahan na ngayong buwan ang pagrolyo ng satellite registration sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ipinaliwanag naman ni Director Jovy Balanquit (Vulnerable Sectors Office) ang mga programa para sa Senior Citizens, PWD, Indigenous Peoples, Persons Deprived of Liberty, at Persons with Temporary Disabilities’ registration at special voting processes.
Sinundan ito ng paalala sa pagpapatala ng overseas Filipino workers mula Setyembre 1 hanggang 30.
Dumalo rin sina Election Officers Atty. John Paul Martin (Baguio) at Joan Romela Abellar-Erni (Tanza, Cavite) upang magbahagi ng best practices sa proseso ng rehistrasyon gaya ng social distancing, logistical initiatives na magmi-minimize ng face-to-face interactions tulad ng registration assistance booths sa bawat barangay, iRehistro kioks para sa PWDs at mga residenteng walang printed forms, dual monitor display devices sa local Comelec office, booking ng appointments via Facebook, paggamit ng StaySafe.PH contact-tracing, VoterCare video discussion sa social media, at marami pang iba.
Bumungad pa ang mensahe nina Olympic silver medalist Hidilyn Diaz at veteran journalist Ces Drilon ng The Outstanding Women in the Nation’s Service sa pagpapakita ng suporta sa Vote Pilipinas.
Ipinaliwanag nina Karina Bolasco, Lyca Benitez Brown, Teresita Ang-See, at Atty. Lorna Kapunan ang TOWNS’ #BagongBotante three-pronged voters mobilization project alay sa mga mag-aaral — registration, voting education, at actual voting.
“Mahirap talaga ang pagdaraanan ng bagong botante kaya kami naririto,” pagbibigay-diin ni Benitez-Brown.
“Importante ang pagkakaroon ng credible source of information. Alin ba ang totoo? Alin ba ang tama? Mabuting mayroon tayong plataporma na puwedeng puntahan ng mga kabataan.
“Napakalaki ng poder nila at bahagi sila ng bayan. Gamitin sana ito ng mga kabataan,” susog ni Drilon.
Siniguro rin ng The Philippine Online Student Tambayan ang pakikiisa sa Voter Registration Month. Noong nakaraang buwan lamang ay sinimulan na nito ang #KabataanSaHalalan voter education campaign kasama ang Vote Pilipinas at Comelec. Pinamagatang ‘Puwedeng Maging Choosy’, iginiit ng The POST ang karapatan ng bawat kabataan na pumili ng kandidatong palagay nilang makatutulong sa pagpapaunlad ng bayan.
Sa Hulyo inaasahan ang susunod na bahagi ng kampanya na libreng ipalalabas sa Facebook page ng The POST at ng partner organizations nito.
Kaugnay nito, nagpahatid ng mensahe at panghihikayat sina RJ Suarez ng National Alliance of Youth Leaders, Mikay Aguillon, at Vernalyn Montaño ng University of the Philippines Tacloban.
“Kailangan nating maintindihan na ang kabataan ay isang malaking block ng voters. Napakalaki ng impact ng boto ng kabataan. Tayo rin ang susunod na henerasyon at ang labis na maaapektuhan ng ating pagdedesisyon,” wika ni Suarez.
“Dahil sa takot sa pandemya ay nauudyok ang mga kabataan na lumahok sa political discourses. Red-tagging na rampant sa social media ay isa rin. Important na alam ito ng kabataan. We should do everything that we can para mabawasan ito nang hindi na ma-continue taon-taon,” sabi ni Aguillon.
“Malaking sektor ng kabataan ngayon ang lubos na apektado ng pandemya. Maraming gustong tumulong pero natatakot sila sa red-tagging. Hindi dapat ganito. Makisama sa social and political climate,” dagdag naman ni Montaño.
Ipinaalala ni Comelec Commissioner Ma. Rowena Amelia Guanzon ang programa sa isang mensaheng panawagang makilahok sa malawakang eleksiyong gaganapin sa susunod na taon.
Pangwakas sina Kean Cipriano at Max Importunate, mga sumulat at umawit ng Botante Importante. Ikinuwento nila ang pagsulat at ang nilalaman ng awiting mapakikinggan sa streaming devices simula ngayon.
Ang Voter Registration Month Launching Program ay pinangunahan nina Jules Guiang at Stan Sy.
Kasama sa programa ang Digital Out of Home, The Outstanding Women in the Nation’s Service, BusinessWorld, ABS-CBN News, The Initiative PH, Summit Media, BlogWatch, National Alliance of Youth Leaders, Tatak Botante, Progressive Web App Pilipinas, MapBeks, Young Filipino Advocates of Critical Thinking, University of the Philippines, University of Makati, at Ateneo de Cagayan-Xavier University.