BUREAU OF PRIVATE SCHOOLS IPINATATAYO
NAIS ni Paranaque City 2nd District Rep. Joy Myra Tambunting na magkaroon ng Bureau of Private Schools sa bansa.
Sa kanyang House Bill 9945, sinabi ni Tambunting na mandato ng gobyerno na kilalanin ang mahalagang papel ng public at private educational institutions sa bansa.
Gayunman, ipinaliwanag ng kongresista na magkaiba ang pangangailangan ng mga pampubliko at pribadong paaralan.
“This is something that the Department usually overlooks. The Federation of Assocuiations of Private Schools Administration has repeatedly noted that the position of the Department of Education on some issues conflicts with the needs of the private schools,” pahayag ni Tambunting sa kanyang explanatory note.
Alinsunod sa panukala, magsisilbing implementing arm ng private education prorgams ng DepEd ang itatayong bureau na mangangasiwa sa pag-aaral, pagbuo at pag-evaluate ng mga programa at educational standards para sa primary at secondary education sa lahat ng pribadong paaralan.
Magsasagawa ito ng mga pag-aaral para sa paghahanda sa prototype curricular designs, instructional materials, at teacher and training programs at bubuo ng mga polisiya para maiangat ang kalidad ng edukasyon sa mga pribadong paaralan.
Magsisilbi itong regular bureau ng DepEd sa ilalim ng superbisyon ng Department Secretary at pamumunuan ng Bureau Director.
Sa sandaling maging batas ang panukala, lahat ng programa at usapin na may kinalaman sa mga private school ay isasailalim na sa naturang bureau.