Nation

BUONG PH EDUCATION SYSTEM DAPAT REPASUHIN — LAWMAKER

/ 23 June 2022

HINDI lang K to 12 kundi ang buong education system ng bansa ang dapat repasuhin.

Ito ang binigyang-diin ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III bilang suporta sa pagnanais  ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na rebyuhin ang K to 12 program.

Ipinaliwanag ni Sotto na dapat na ring busisiin ang buong curriculum na ipinatutuapd sa basic education kung naaakma pa sa kasalukuyang sitwasyon.

“Siguro review-hin ‘yung curriculum. Ano ba ‘yon, ini-spread out lang ba?  O talagang kasya naman sa four years na high school? Hindi ba? Siguro, magandang review-hin nila ‘yon, baka naman na-spread out lang. Well, baka blessing in disguise din, na ‘yung pandemic eh, nagkaroon ng lockdown, nagkaroon ng, naging online ang pag-aaral.  Maaaring, that will give them a different insight on the K to 12,” pahayag ni Sotto.

Iginiit ng outgoing Senate leader na kailangan ding pag-aralan ang kwalipikasyon ng mga guro at pag-usapan na ang mga nawawalang subjects partikular ang History.

“I was listening to some, mayroong mga online, meron din naman sa television na mga hindi naman games, quiz, mga quizzes sa mga high school students, ang daming walang alam sa history.  Nakakapagtaka. Hindi nabigyan ng magandang pansin ang history,” diin ni Sotto.

Iginiit ni Sotto na dapat ibalik na rin bilang core subject ang Social Studies upang mamulat ang mga estudyante sa kasaysayan ng bansa.