Nation

BULLYING SA ISKUL PUWEDENG IREKLAMO SA 911

17 June 2025

MAAARING tumawag sa 911 ang mga estudyante at mga magulang upang ireklamo ang bullying sa paaralan.

Ito ang payo ni Philippine National Police Chief, General Nicolas Torre III sa mga estudyante nang maagang bisitahin ang ilang paaralan sa Quezon City sa pagbubukas ng klase kahapon.

Aniya, kadasalan, hindi agad nakararating sa principal’s office ang bullying o pangha-harass ng isang estudyante sa kanyang kapwa estudyante kaya maaaring subukan ang kanilang 5-minute response program.

Sinabi pa ni Torre na kapag natanggap nila ang report ay agad silang makikipag-ugnayan sa principal’s office.

Kasabay nito, sinabi ng PNP chief na bahagi ng kanilang concern ngayong 2025-2026 school year ang i-monitor ang bullying sa mga paaralan.

Samantala, naging mapayapa ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa kahapon.

Unang binisita ni Torre ang Batasan Hills National High School na naging maayos naman ang sitwasyon.

Ang inspeksiyon ay upang matiyak na ligtas ang mga guro, estudyante at mga school worker laban sa masasamang loob.

“Andiyan ang mga manloloko na alam mo na lolokohin ang mga bata, maya maya ‘yan nanakawan ang mga bata dahil siyempre murang edad pa ang mga ‘yan, musmos pa ang mga ‘yan, maya maya ‘yan may mga magse-set up makukuha nila ‘yung bag, may lamang cellphone, so ‘yan ang mga target niyan,” ayon  kay Torre.

Tiniyak din ni Torre na 100% ng kabuuang 37,740 pulis ang ipinakalat ng PNP sa buong bansa para magbantay sa 45,974 paaralan

Naglatag din sila ng 5,079 Police Assistance Desks malapit sa mga eskuwelahan.