‘BUDGET PA MORE’ PARA SA FLEXIBLE LEARNING IKINASA SA SENADO
INILATAG na ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara nitong Martes sa plenaryo ng Senado ang kanilang bersiyon ng panukalang 2021 national budget para masimulan ang debate.
Sa kanyang sponsorhip speech para sa Committee Report 135 para sa proposed P4.5 trillion 2021 national budget, inilarawan ni Angara ang budget para sa muling pagbangon ng Filipinas kasunod ng Covid19 pandemic at iba pang kalamidad.
Tiniyak naman ni Angara na suportado ng budget ang mga estudyante at guro sa gitna ng umiiral na distance learning dahil sa epekto ng Covid19 pandemic.
“While the pandemic may have momentarily disrupted our education system, our constitutional commitment to prioritize education remains, given that this sector shall still receive the biggest allocation under the proposed budget,” pahayag ni Angara.
Sinabi ni Angara na dahil hindi pa malinaw kung kailan magbabalik sa face-to-face classes ang mga estudyante, itinaas nila ang budget para sa flexible learning options alinsunod sa rekomendasyon nina Senador Win Gatchalian at Senador Pia Cayetano.
Kasama rin sa popondohan para sa Department of Education ang computerization program nito bilang paghahanda sa panukala ni Senador Lito Lapid na isalin na bilang e-books ang mga textbook sa mga paaralan.
Bukod sa teaching supplies allowance, tiniyak ni Angara na mapopondohan sa 2021 ang P1,000 World Teacher’s Day token ng mga guro.
Alinsunod naman sa amendments na isinulong ni Senador Grace Poe, sinabi ni Angara na tuloy ang pagpopondo para sa school-based program upang matiyak ang maayos na kalusugan ng mga estudyante.
Nasa 1.34 milyong college students naman ang mabebenepisyuhan sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act na pinondohan ng P18.7 bilyon habang nasa 850,000 ang makatatanggap ng Tertiary Education Subsidy na may pondong P24.5 bilyon.
“Dinadagan din ng inyong komite, sa tulong ni vice-chair Cayetano, ang pondo para sa iba’t ibang student financial assistance programs. Napakalaki ang mga halagang inilalaan para rito dahil naniniwala kami na hindi dapat maging hadlang ang pandemya sa pag-aaral ng ating mga anak,” dagdag ni Angara.
Tiniyak din ni Angara na malaking pondo ang idinagdag sa budget ng iba’t ibang state universities and colleges kasama na ang University of the Philippines system, Polytechnic University of the Philippines at Mindanao State University at iba pang SUCs.
Sisimulan din sa 2021 national budget ang Doktor para sa Bayan bill na magbibigay ng medical scholarship sa mga kuwalipikadong estudyante.
Para naman sa Technical Education and Skills Development Authority, sinabi ni Angara na pinondohan sa ilalim ng 2021 proposed national budget ang Tulong Trabaho Scholarship, Training for Work Scholarship at Special Training for Employment.