Nation

BUDGET NG MGA SUC, MALIBAN SA UP SYSTEM, APRUB NA SA SENADO

/ 12 November 2020

LUSOT na sa mga senador ang panukalang 2021 budget para sa state universities and colleges maliban sa University of the Philippines.

Sa deliberasyon hinggil sa buget, sinabi ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na walang senador ang nagpahayag ng pagnanais na magsagawa ng interpelasyon sa proposed budget sa mga SUC at naiwan na lang ang pondo sa UP na nais pang busisiin ng ilang senador.

Kinumpirma naman ni Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Higher and Technical Education, na nagdagdag sila ng pondo para sa mga SUC para sa full implementation ng medical school program sa susunod na taon.

Sinabi ni Villanueva na naglaan sila ng P450 million para sa Western Mindanao State University, Cebu Normal University at University of Southeastern Philippines.

Ipinaliwanag ng senador na batay sa pahayag ng Commission on Higher Education, handa na ang tatlong unibersidad para sa pagpapatupad ng medical scholarship program.

Bukod dito, may nakalaan ding pondo para sa iba pang SUCs na mag-aapply na makapag-alok din ng programa.

“There’s an additional P315 million seed fund within CHED for potential SUCs that have yet to apply to offer medical scholarship programs,” pahayag ni Villanueva.

Sa isinumiteng National Expenditure Program ng executive department, itinakda sa P83.3 billion ang proposed budget sa SUC para sa 2021.