Nation

BROADCASTING FRANCHISE NG SOUTHERN LUZON STATE U APRUB NA SA KAMARA

/ 1 September 2021

INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 25-taong prangkisa ng Southern Luzon State University para sa pagtatayo ng radio and television broadcasting stations sa Timog Katagalugan.

Sa unanimous affirmative votes, pinagtibay ng Kamara ang House Bill 7071 at House Bill 7478 na inihain nina Quezon Reps. Angelina ‘Helen’ Tan at Wilfrido Mark Enverga.

“The franchise will allow the SLSU to deliver its services to marginalized students who are living in areas without internet connectivity. The franchise to operate a television and radio station will be part of SLSU’s response to the need to device ways to deliver educational services amid the Covid19 pandemic,” pahayag ni Tan.

Pinasalamatan din ni Tan si Palawan Rep. Franz ‘Chicoy’ Alvarez, chairman ng House Franchise Committee, sa agarang pagpasa sa mga panukala na malaking tulong para mapalawak ang coverage at kapabilidad ng SLSU.

Sa ilalim ng panukala, ang SLSU ay magkakaloob ng public service sa mga residente sa Southern Tagalog  at magkakaroon ng balanced programming at tutulong sa public information and education.

Ipinaliwanag pa ni Tan na ang prangkisa ng TV and radio ng SLSU, na kilalang nangunguna sa  higher education institution sa Quezon province, ay bahagi ng assessment ng UNESCO sa epekto ng Covid19 sa edukasyon.

Sa kasalukuyan, nasa 3,589,484 ang mga estudyanteng naka-enrol sa SLSU na naapektuhan ng pagsasara ng paaralan dahil sa pandemya.