BRIONES PINAGBIBITIW SA PUWESTO
PINAGBIBITIW na sa puwesto ni SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta si Education Secretary Leonor Briones at ang iba pang opisyal ng ahensiya na may kinalaman sa tinawag niyag maanomalyang procurement ng Self-Learning Modules.
“They have neither reformed nor learned their lessons,” pahayag ni Marcoleta.
Iginiit ng mambabatas na sa kabila ng kanyang pagpuna sa kawalan ng learning modules para sa 3rd quarter ay hindi agad kumilos ang DepEd at ginamit pang dahilan ang deklarasayon ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region Plus para atasan ang mga regional at division office na mag-reproduce ng SLM.
“This is outrageous as it is frustrating and I cannot believe this is happening. If DepEd adjusted the opening of the 3rd quarter from February 15 to March 22 this year to plan for a good start, why is it using the ECQ as an excuse for this mess?,” pagbibigay-diin ng mambabatas.
Pinuna rin ng kongresista ang plano ng DepEd na magsagawa ng bidding para sa SLMs sa 4th quarter para sa Grades 4 hanggang 10 na nagkakahalaga ng P4.2 bilyon.
Naniniwala ang mambabatas na pag-aaksaya lamang ito ng pera ng taumbayan dahil tiyak na hindi na magagamit ang modules para sa 4th quarter na magsisimula sa Mayo 17 hanggang Hulyo 10, 2021.
Kasabay nito, hinamon ni Marcolotea ang DepEd na ipaliwanag ang tinawag niyang ‘very very late’ na planong procurement ng modules para sa 4th quarter dahil ang deadline para sa bidding ay itinakda sa April 27, 2021.
Iginiit ng kongresista na matapos ang bidding, kinakailangan pa ng post-qualification, contract review, posting of performance bond, at barring ng anumang bid dispute saka pa lamang ang pag-iisyu ng Notice to Proceed.
Dahil dito, iginiit ni Marcoleta na hindi na magagamit ang modules kasabay ng pag-aalala na maulit ang P25 million na halaga ng mga libro na inimprenta ng Lexicon press na hindi naman umano naipamahagi.
Iginiit ni Marcoleta na maihahalintulad din ito sa procurement ng information and communications technology packages na batay sa report ng Commission on Audit noong 2017 at 2018 ay may problema rin sa deliveries at utilization.