Nation

BRIONES DINEPENSAHAN NG DEPED EMPLOYEES

/ 3 May 2021

IPINAGTANGGOL ng isang grupo ng non-teaching personnel si Education Secretary Leonor Briones mula sa pambabatikos ng mga kritiko ng kalihim at sa panawagang magbitiw ito sa pwesto.

Ayon sa Department of Education-National Employees Union, ang pinakamalaking organisasyon ng mga non-teaching staff sa bansa na may 50,000 miyembro, hindi dapat batikusin ang kagawaran dahil ginagawa naman ng kalihim at ng kanyang management team ang lahat para maipagpatuloy ang paghahatid ng edukasyon at pagkatuto sa kabila ng pandemya.

“Actually wala namang leader o gobyerno na ready sa pandemyang ito, kaya lahat tayo nabulaga rito. Ganoon din sa ating edukasyon, wala namang naka-ready talaga rito,” pahayag ni Atty. Domingo Alidon, pangulo ng nasabing grupo.

“Bagama’t ganyan ang nangyari ay nakapaghanda pa rin ang DepEd kahit papaano ‘yung tinatawag na modular or virtual/online learning. Itong self-learning modules naman ay pinag-aralang maigi ng DepEd kung papaano tayo makapagpapatuloy sa ating delivery of learning sa gitna ng pandemya. So, kahit papaano ay natugunan naman ng kagawaran — hindi naman huminto ang delivery ng learning sa basic education,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Alidon na hindi dapat umasa ang publiko na maging perpekto at maayos ang paghahatid ng edukasyon sa panahong ito dahil napakaimposible, aniya, na mangyari ang inaasahan nila sa gitna ng malaking hamon dulot ng pandemya.

“This is really a crisis. Every one of us has to contribute. We cannot expect that a 100 percent ay okay ‘yan. Kahit nga sa normal na panahon na walang pandemya hindi natin na-hundred percent. Mayroon talagang loopholes diyan at mayroon talagang lulusot diyan,” sabi ni Alidon.

“Noong araw nga na walang pandemya ‘yung mga libro subject to erata ‘yan kasi may mga mapa na mali-mali. Pero ito naman inadvertently lang naman ay included, at hindi naman ‘yan lahat ay generally ganyan [self-learning modules]. We can be free to criticize pero with the purpose of helping,” dagdag pa niya.