Nation

BRIDGING PROGRAM SA MGA NAPAG-IIWANANG ESTUDYANTE ISINUSULONG SA KAMARA

/ 18 February 2021

IGINIIT ni Pasig City Rep. Roman Romulo na dapat magkaroon ng bridging program ang Department of Education sa mga estudyanteng napag-iiwanan sa bagong sistema ng edukasyon sa gitna ng Covid19 pandemic.

Sinabi ni Romulo na mas matitiyak ang pagkatuto ng mga estudyante kung maipauunawa sa kanila ang mga leksyong hindi nila lubos na naunawaan dahil sa distance learning.

Nilinaw ng mambabatas na ang bridging program ay gagawin sa sandaling payagan na ang limited face-to-face classes.

Naniniwala rin ang kongresista na maituturing na ‘deservice’ sa mga estudyante kung ipatutupad ang ‘pass all’ policy dahil sa bandang huli ay sila rin ang magiging kawawa.

“Kapag ginawa ang pass all lamang, kawawa ang mga estudyante. Isipin natin ang kinabukasan nila,” diin ni Romulo.

Aminado ang mambabatas na hindi lahat ng estudyante ay natututo sa distance learning subalit kailangan din namang hintayin ang payo ng mga eksperto kung maaari nang bumalik sa face-to-face learning.

Binigyang-diin ni Romulo na sa ngayon, ang kailangan ay magpatupad ng mga hakbangin ang DepEd upang maging interesado pa ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral.

Bagama’t binabaan na ang bilang ng Most Essential Learning Competencies, iginiit ng mambabatas na dapat pag-aralan ng DepEd na ibaba pa ito.

Inihalimbawa ng kongresista ang Grades 1 hanggang 3 na maaaring i-limit muna sa reading, writing at mathematics ang mga leksiyon.