Nation

BOSES NG KABATAAN MAHALAGA SA ELEKSYON, AYON SA YOUTH SOLON

/ 17 February 2021

GINAMIT ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Jane Elago ang pagkakataon sa Kamara upang hikayatin ang mga nasa edad nang bumoto na agad nang magparehistro upang makibahagi sa eleksiyon sa 2022.

Sa kanyang privilege speech sa session sa Kamara, sinabi ni Elago na mahalaga ang papel ng kabataan para sa mga programa ng bansa.

“Napakahalaga ang magparehistro at makaboto upang demokratikong mapabilang ang ating boses sa pagpili ng mga susunod na pampublikong opisyal na siyang pagkakatiwalaan ng kapangyarihan at pondo ng bayan upang mamuno sa pagllingkod at proteksiyon sa kapakanan ng mamamayan,” diin ni Elago.

“Ang pagpaparehistro ang unang hakbang para sa karapatan sa pagboto. Ito ang huhubog sa kalagayan at kapakanan ng sambayanan, hindi lang sa kasalukuyan, kundi sa mamanahin nating kinabukasan,” dagdag pa ng kongresista.

Ipinaliwanag ng mambabatas na mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang maitala ang unang kaso ng Covid19 sa bansa at matindi ang naging epekto ng pandemya sa ekonomiya, mga negosyo, malawakang kawalan ng trabaho at kabuhayan, at edukasyon ng mga kabataan sa bansa.

“Pinalala pa ang mga epekto ng pandemya ng kawalan ng komprehensibong plano ng gobyerno para mainam na matugunan ang pandemya at epekto nito sa kabuhayan ng mamamayan. Salat sa ayuda at salat pa rin sa serbisyong medikal. Ang ilang polisiya pa nga ay kaysa makatulong ay lalo pang nagpahirap sa kasalukuyang kalagayan ng mamamayan,” giit pa ni Elago.

Binigyang-diin ni Elago na sa susunod na taon ay may pagkakataon muli ang mga Filipino na makapamili ng mga susunod na lider kaya nangangailangan ng aktibong partisipasyon ng mga kabataan at mamamayan.

“Ang natatanging representasyon na ito ng kabataan ay nananawagan sa lahat ng kabataan at mamamayan na magparehistro para makaboto sa 2022,” dagdag pa ni Elago.