Nation

BOOK NOOK ITATAYO SA MGA LIBLIB NA LUGAR

/ 29 March 2024

IKAKASA ng National Book Development Board, sa pangunguna ni Chairman Dante Ang II, ang pagtatayo ng mga book nook sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Habang daragdagan din ang mga reading material gaya ng non-school books para sa mga adult upang pasiglahin ang pagbabasa.

Para naman maengganyo ang mga kabataan ay posibleng buhayin ang komiks.

Kinumpirma ni Chairman Ang ang planong pagbuhay sa komiks dahil ang nasabing reading material ay madaling makapagturo sa pagbabasa dahil sa visuals o pagsasalarawan ng aksiyon, at maging ang emosyon ng tao.

Sa survey ng Social Weather Station noong 2023, nasa 42% lamang ang readership sa adult o may kakayahan at nagbabasa ng non-school books, na mas mababa kumpara noong 2017 na nasa 80%.

Tinukoy naman ang dahilan kung bakit maliit ang bilang ng mga nagbabasa ng non-school books at ito ay ang kakayahan at kagustuhang bumili ng bago o second hand books, magrenta at magtungo sa library na bibihira.

Nabatid na sa mga liblib na lugar at may conflict gaya sa Maguindanao ay mababa ang readership.

Kaya naman target ng NBDB ang pagtatayo ng Book Nook doon.

Kasama rin sa ginagawang hakbang ng NBDB ang pagpapatuloy ng pagbibigay ng insentibo sa mga publushing company upang mag-produce ng reading materials at mapataas ang readrship sa bansa.