BLENDED TEACHING SA ‘ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM’ – DEPED
SA KABLA ng nararanasang pandemya ng bansa dulot ng coronavirus disease ay marami pa rin sa mga out-of-school youth at adult ang patuloy na nakapag-aral gamit ang iba’t ibang learning delivery modality, ayon sa Department of Education.
Nagpahayag si Assistant Secretary GH Ambat na “matagal nang ginagawa sa Alternative Learning System program ang blended at modular learning at ang television and radio-based instruction.”
“Katunayan noong nag-lockdown ay patuloy na nakapag-aral ang mga ALS learners kasi nga ganun na ‘yung sistema ng learning delivery, meron ng modules,” paliwanag ni Ambat.
“Doon naman sa mga hindi naiuwi ng mga estudyante ‘yung mga modules, ang mga teachers namin ay naipadala yung modules sa bahay-bahay tapos naturuan naman nila ‘yung mga bata kasi halimbawa nagkaroon ng mga group chat through FB or kung meron mga katanungan ‘yung mga estudyante pwede nila i-text ‘yung teacher. So, ‘yun yung paraan para makapagtapos sila ng school year,” paliwanag ni Ambat.
May mga answer sheet din umanong sinasagutan ang mga istudyante, pini-piktyuran nila ito tapos ipapadala sa kanilang teacher.
“Yung iba naman na walang cellphone, hindi maka-access sa Internet, ang ginagawa nung lockdown pinapadala nila sa mga barangay workers tapos sila ‘yung nagpapadala at nakukuha ng mga teachers natin ‘yung mga nasagutan na mga activity sheet at mga test,” sabi pa ni Ambat.
Samantala, sinabi ng nasabing opisyal na mababa umano ang bilang ng mga mag-aaral na nag-enroll sa ALS ngayong taon kumpara sa nakaraang taon dahil karamihan umano sa mga ito ay tumigil muna sa kanilang pag-aaral para maghanap ng trabaho.
Ayon pa sa kanya ay nasa 35 porsyento pa lang o 297,284 mga mag-aaral ang nag-enroll sa ALS sa darating na school year ayon sa pinakahuling tala ng Kagawaran.
Ngunit inaasahan nilang tataas ang bilang ng mga enrollees sa ALS kapag pormal na umanong nagsimula ang school year. Ayon pa kay Ambat, kalimitan umanong tumataas ang enrollment sa una at ikalawang kwarter ng school year.
Pwede naman umanong mag-enroll ang mga ALS learners kahit tapos na ang enrollment period, dagdag pa ni Ambat.
Sadyang dinisenyo ng DepEd para sa mga out-of-school youth at adult, ang ALS program ay nagsimula muna bilang non-formal education program at kalauna’y naging Alternative Learning System sa bisa ng Executive Order 356 noong 2003.
Itinuturing na “second-chance education program,” inilalarawan ng DepEd ang ALS bilang “parallel learning system” na pwede maging alternatibo para doon sa mga hindi makapag-aral sa formal education.