Nation

BLENDED LEARNING DAPAT MAGING BAHAGI NA NG ‘NEW NORMAL’ — GATCHALIAN

/ 5 July 2021

NANINIWALA si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na sa pagtatapos ng Covid19 pandemic ay dapat maging bahagi na ng sistema ng edukasyon ang blended learning.

Sinabi ni Gatchalian na sa naranasang krisis ng bansa, lumabas ang kahalagahan ng internet access.

Subalit bukod sa pagtugon sa pandemya at iba pang emergencies, binigyang-diin ng senador na maaari ring ituring na solusyon ang blended learning upang matugunan ang congestion sa mga paaralan.

Binigyang-diin ng mambabatas na maaaring gumawa ng sistema ng Department of Education kung saan may mga araw na gagawin ang pag-aaral sa pamamagitan ng online subalit hindi dapat alisin ang face-to-face classes.

“May mga araw na ang bata sa bahay gumagawa ng assignments thru the internet pero ibang araw papasok dahil importante ang interaction,” sabi ni Gatchalian.

“May ganitong pag-iisip na puwedeng pag-aralang mabuti para mas maging episyente ang pagtuturo,” dagdag ng senador.

Gayunman, sinabi ni Gatchalian na kasabay nito ay ang training din sa mga guro upang lahat ay makatugon sa requirement ng blended learning.