Nation

BIRTHDAY NI FPJ BINASBASAN NG PAMIMIGAY NG TABLETS SA MGA ESTUDYANTE

/ 21 August 2020

IPINAGDIWANG ni Sen. Grace Poe ang ika-81 kaarawan kahapon ng kanyang amang si Fer-nando Poe Jr. sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga tablet sa mga estudyante sa isang paaralan sa Quezon City.

Kasama ni Poe si Quezon City Vice Mayor Gian Sotto sa pag-turn over ng mga tablet sa Don Quintin High School upang magamit nila sa distance learning sa darating na pasukan.

Ayon sa senadora ay isa sa kanyang inspirasyon sa kanyang mga aktibidad ay ang pagiging maalalahanin ng kanyang namayapang ama hindi lamang sa kanyang pamilya, kundi maging sa mga katrabaho at mga hindi kakilala subalit nangangailangan ng tulong.

“I think during this pandemic, that memory of my Dad is something that I’d like to keep alive,“ pahayag ni Poe.

Ayon sa talaan ng edukasyon sa Lungsod Quezon, ang Don Quintin Paredes High School ang pinakamaliit na high school sa lungsod kung ang pagbabatayan ay ang student population na mayroon lamang 634 enrollees para sa school year 2020-2021.

Sa assessment ng pamahalaang lungsod ay isa sa sinasabing dahilan ng mababang enrollment sa naturang paaralan ay ang kawalan ng access sa online classes dahil walang gadgets.

Gayunman, ang mga guro ng paaraalan ay sumalang na umano sa online classes training at seminars at pinaniniwalaang handa na sa kanilang magiging trabaho sa darating na pasukan.

Sa online classes simulation na isinagawa noong August 3 hanggang 7 ay lumitaw na pito hang-gang 10 estudyante sa isang klase ang nakalahok.

Sa ngayon ay patuloy pa ang pag-iimprenta ng learning materials ng paaralan para sa modular modality.