BILLS SA PAGPAPALAWIG NG VOUCHER SYSTEM SA ELEMENTARY AT SECONDARY EDUCATION BINUSISI SA KAMARA
SA GITNA ng epekto ng Covid19 pandemic sa mga pribadong paraalan sa bansa, sinimulan na ng House Committee on Basic Education and Culture ang pagbusisi sa mga panukala na nagsusulong ng pagpapalawig ng voucher system o subsidiya sa elementary at secondary education.
Sa isang virtual hearing, nagkaisa ang mga miyembro na pagsama-samahin ang House Bill 3781 ni Rep. Rufus Rodriguez, House Bill 7635 ni Rep. Ruth Mariano-Hernandez at House Bill 7665 ni Pasig City Rep. Roman Romulo.
Napagkasunduan din ng komite na bumuo ng Technical Working Group na pangungunahan ni Mariano-Hernandez para sa pagbalangkas ng substiitute bill sa pinagsama-samang mga panukala.
Bilang pagsuporta sa panukala, binigyang-diin ni Education Undersecretary Jess Mateo na karamihan sa mga nagsarang pribadong paaralan dahil sa Covid19 ay elementary schools sanhi ng kawalan ng enrolees.
Sinabi in Mateo na kung mapapalawig ang voucher system hanggang sa elementary level ay mas maraming estudyante ang mabibigyan ng oportunidad para sa edukasyon bukod pa sa matutulungan ang mga guro at pamunuan ng mga pribadong paaralan.
Alinsunod sa mga panukala, isinusulong ang pag-amyenda sa Republic Act 8545 o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act.
Nais ng mga kongresista na saklawin na rin ng tulong o voucher system ang mga elementary student bukod sa mga mag-aaral sa high schools at vocational at technical courses.
Bukod dito, ipinasasama rin sa in-service training fund ang mga guro sa elementary schools at hindi lamang sa high schools.
Sa kasalukuyan, saklaw ng E-GASTPE Act ang mga estudyante mula sa Grade 7 hanggang Grade 12 o ang mga nasa Junior at Senior High School.