Nation

BILL SA TEACHING SUPPLIES ALLOWANCE HINIHIMAY NA SA SENADO

/ 10 October 2020

SISIMULAN na ng Senado ang plenary debate para sa panukalang pagbibigay ng teaching supplies allowance sa mga pampublikong guro.

Ayon kay Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., pangunahing sponsor ng Senate Bill 1092, sasalang na sa period of interpellation ang panukala sa Lunes, October 12.

Una nang inaprubahan ng Senate Committees on Civil Service; Government Reorganization and Professional Regulation; Basic Education, Arts and Culture; Ways and Means at Finance ang proposed Teaching Supplies Allowance Act.

Bukod kay Revilla, co-author sa panukala sina Senador Ralph Recto, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian at Pia Cayetano.

Alinsunod sa panukala, itataas sa P5,000 kada school year ang teaching supplies allowance ng mga pampublikong guro na magagamit nila sa pagbili ng chalk, erasers, forms at iba pang classroom supplies and materials.

Sinabi ni Revilla na nagkakaisa ang mga senador na mahalaga at napapanahon ang panukala sa gitna na rin ng sakripisyo ng mga guro sa bagong sistema sa pag-aaral ngayong Covid19 pandemic.

“Huwag kayong mag-alala itataas namin ang teachers allowance from P3,500 gagawin naming P5,000 at pipilitin namin from P5,000 tataasan natin hanggang P10,000,” pahayag ni Revilla.

“Relax lang kayo nagtutulong-tulong na po kami, even minority at majority senators, solid po ang Senado para matugunan itong suporta sa mga guro natin,” dagdag pa ng senador