BILANG NG ESTUDYANTENG LUMALAHOK SA ONLINE CLASS BUMABABA
ISANG GRUPO ng mga guro ang naalarma sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga mag-aaral na lumalahok sa distance learning at nagpapasa ng modules.
Sa isang panayam sa radyo noong Lunes, sinabi ni Teachers’ Dignity Coalition Chairman Benjo Basas na mas mababa sa 30 estudyante ang pumapasok sa online classes at minsan pa’y wala pa sa kalahati ng bilang ng klase ang nakikilahok.
“Nakikita po namin na bumababa ang bilang ng mga bata dun sa participation both in modular and online mode. Kung dati, out of 40 na estudyante, may uma-attend pa na hanggang 30 ang maximum, ngayon bumaba na po talaga, ‘di na po ‘yan nangangalahati,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, mayroon na ring mga estudyante na hindi nagpapasa ng modules.
“’Yung sumasagot sa modules lumiliit na rin…At least nagpapasa pa pero ‘yung iba ‘di na talaga nagpapasa. Kung nagpapasa man ay napaka-limited na nung sagot dun sa modules,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Basas na suportado ng grupo ang desisyon na pagkansela sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes sa Enero 2021.
“Ito ay dry run lamang supposedly pero nalalagay pa rin sa panganib ang ating teachers at mag-aaral,” sabi ni Basas.