Nation

BILANG NG ENROLLEES SA PRIVATE SCHOOLS BUMABA

/ 25 August 2021

BUMABA ang bilang ng mga mag-aaral na nag-enrol sa private schools dahil sa pandemya na kinakaharap ng bansa, ayon sa Department of Education.

Sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na target ng kagawaran na mapantayan ang mahigit 26 milyon na nag-enrol noong nakaraang taon.

Ngunit sinabi ng kalihim na may direktang relasyon ang status ng enrollment sa estado ng ekonomiya ng bansa kaya hindi na nakapagtataka kung bumaba ang enrollment figures.

“We know and you are aware, for example, that NCR [National Capital Region] is really affected by the pandemic,” sabi ni Briones sa isang virtual press briefing.

“So, inaasahan na kung puwedeng ma-match natin ‘yung last year, happy na tayo. Sana kung ayos ang ekonomiya natin, aayos ang employment situation natin, lalo na sa NCR, magiging maayos din ang enrollment natin sa private sector,” dagdag pa ng kalihim.

Sinabi pa ni Briones na wala pa silang datos kung ilan na ba ang nag-enrol sa Alternative Learning System.

“Wala pa tayong balita sa ALS natin dahil significant number ng mga estudyante natin ay nagtatrabaho sila. So, ngayon ang concern nila of course ay ‘yung work nila,” ani Briones.

“May relasyon ang status ng ekonomiya natin sa enrollment, kitang-kita ito sa private sector. Kitang-kita natin ito sa migration ng mga private student learners from the private sector na lumilipat sa public schools.”