Nation

BENTAHAN NG READY-MADE RESEARCH PAPERS DATI NANG KALAKARAN — TEACHERS

/ 1 February 2021

“NGAYON ninyo lang nalaman ‘yan?”

Ito ang tugon ng maraming mga pampublikong guro nang umingay kamakailan ang isyu ng pagbili ng ‘ready-made’ research papers para sa promotion points at funding.

Sa Facebook group na nilikha ni Leezl Campoamor Olegario, mababasa ang daan-daang reaksiyon ng mga guro mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Karamihan sa kanila ay animo mga ‘buhay na patunay’ ng kalakarang nabanggit para mabilis na ma-promote ang mga gurong nangangarap ng mas mataas na posisyon at sahod sa mga paaralang kinabibilangan.

“Ano’ng bago ba [rito]? Para naman silang ‘just now’. Matagal na ‘yan! Bago lang nakarating ang balita. Inabutan pa sa traffic ng EDSA,” pahayag ni Michael Joseph Boniao II, isa sa mga miyembro ng ‘Action Research for Teachers’ Facebook group.

Sinabi naman ni Jerome Dela Cerna, “Action research, thesis-for-sale sold like hotcakes.”

Susog pa ni Joy Sioson, “It has been an open fact…particularly in the Manila area, even on the side streets going to [Professional Regulation Commission].”

Mayorya sa mga gurong nagkomento’y nagsasabing maraming hindi kalipikado na magturo sa pampublikong paaralan, lalo na kung sisipatin ang usapin ng etika sapagkat sa halip na masinsinang manaliksik ay bumibili na lamang sila ng research nang magkaroon ng mataas na puntos at ranking.

Ang bansag nga rito ni Spencer Seneca ay ‘wrongking’ dahil gumagawa ng mali para mapataas ang ranking.

Pagbabahagi ng mga guro, mayroon ding nagbabayad sa mga journal at independent publisher para mailangkap ang mga pananaliksik sa ilalim ng kanilang by-line.

“Out of curiosity po, nagtanong ako [sa nagbebenta ng research], P15K pala ang bayad sa ganyan. Grabe, buhay na buhay ang researcher,” sabi ni Faye Montoya Ramos.

“It can be a little less or more than P15K — pending on the type of research or the credibility of the maker,” dagdag ni Sioson.

Sunod-sunod ang mga ganyang reaksiyon nang iulat ng The POST noong Enero 21 ang ‘research buy-and-sell’ na nagaganap online.

Ipinaskil ni Olegario ang ilang screenshots na hayagang nagpapadala sa kanya ng mensahe para umano bumili ng ‘ready-made’ research papers.

Isang taga-Department of Education Misamis ang nagtanong ng “Pila ang magpapagawa po?” na tumutukoy sa pagpapagawa ng action research bilang kahingian sa rank promotion.

Mayroon ding mga taga-DepEd Banaue Division of Ifugao at Labo National High School ang mga handang bumili o magbayad para rito.

“Hello po, meron kayong [ready-made] Action Research or Basic Research?,” sabi nito.

HINDI KUKUNSINTIHIN NG DEPED

Nakarating sa DepEd ang naturang anomalya kaya agad silang naglabas ng pahayag na kailanma’y hindi nila kukunsintihin ang anumang porma ng pandaraya.

Eksklusibong iniulat ng The POST ang mensahe ni Education Planning Service Director Roger Masapol.

“A more comprehensive research ethics policy in the Department is being developed to complement the research management policy of DepEd.

“Under the tutelage Secretary Leonor Magtolis Briones puts premium to the power of research in supporting policy decisions. Any fraud or any form of ethical infringement of research within DepEd will not be tolerated,” pagbibigay-diin niya.

Bubusisiin naman ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio ang naturang isyu.

“Ito po ay [ipaiimbestiga] natin. Maghahanap tayo ng pruweba na nangyayari nga ito. Gusto po namin ‘yung mga nagrereport mismo ay magbigay ng detalye para po mas maging madali ang pag-iimbestiga at pagbibigay ng tamang atensiyon sa ganyang mga gawain.”

“Ang maliwanag po, alam ko kahit po si Secretary, researcher iyan, professor, hindi niya papayagan na gagawing intellectual prostitute ang mga ibang sektor ng ating lipunan,” paniniguro ni San Antonio.

Nakarating din sa Senado ang isyu kaya pinipiga ni Committee on Basic Education Chair Sherwin Gatchalian ang DepEd para aksiyonan ito sa lalong madaling panahon.

Noong nakaraang linggo ay sinabi ni Gatchalian, “The Department of Education should immediately probe incidents of teachers allegedly buying ready-made action research papers for promotion or funding.”

“These unethical practices show lack of integrity and should not be tolerated. I am also urging the department to institute mechanisms that would thoroughly vet research output submitted by teachers,” sabi pa ng senador.

BULOK ANG SISTEMA

Sigaw ng mga guro’y ‘unethical’ ang pagbili ng research lalo pa’t hindi ito ang tunay na esensiya ng edukasyon. Dapat na gumagawa ng pananaliksik para sa ikauunlad ng pag-aaral at hindi sa pagpapalubog dito.

Gayunpaman, ang sentral na tanong ay sa kung paano makagagawa ng awtentikong saliksik ang mga guro kung nilulubog sila sa sistemang tambak ang gawaing akademiko, ‘di akademiko, at ekstensiyon, na sasahugan pa ng isyu ng pinansiyal.

Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, dapat bigyan ng oras sa loob ng kanilang trabaho ang mga guro para magawa ang kailangang research papers.

“Though I also agree that research is an important part in teaching and in education in general, on the part of the public school teachers na sa dinami-dami rin ng ginagawang paper works, activity at mga non-teaching jobs, medyo mahirap na talagang isingit pa ang action research,” paliwanag ni Castro sa The POST.

“I suggest kung ito talaga ang mahalaga sa DepEd na dapat gawin, maglagay ng ample time sa mga guro na makagawa nito na inclusive sa hours of work nila or hours of teaching.

“Suportahan sila financially, mas maganda kung collaborative instead of individual at huwag ilagay sa criteria ng performance at gawin itong plus points. At gawing voluntary,” diin ng kongresista.

Isa pa ang pagbanggit sa ilang isyung administratibo, partikular sa ‘walang pangil’ na sistema ng rebyu at rubrik ng pagmamarka sa mga gurong nag-aaplay ng promosyon at funding.

“Mali talaga ang system ng ranking…” sabi ni Jay Lastimosa sa isang Facebook thread.

“[Napakarami] pong [gumagawa niyan] dahil sa maling sistema ng ranking at promotion. Sa totoo lang, [maraming] hindi [kalipikado] magturo sa public school natin. Halatang-halata na ‘yung pagpasa ng LET ay nadala lamang sa [kare-review] pero ang kalidad at estratehiya nila sa pagtuturo sa sobrang [nakadi-disappoint],” pahayag ni Sandy Mabunga.

“Hindi pa kasi nawawala until now ang palakasan system. ‘Yung iba picture-picture lang ng community involvement activities, pa-sign ng certificate sa kaibigan na Brgy Kapitan, pagawa ng research papers/bibili…presto…[Master Teacher] na kaagad. Wala namang laman ang utak. ‘Di nga marunong gumawa ng reports. Sad but this is a glaring reality in our department,” pahayag ni Maritess Amores.

Ayon naman kay Mavs Arcos, “It’s partly the system to blame for that, although it’s true that teachers should not be doing this. In these instances, I imagine my mother who is a public- school teacher, swamped with [paperwork] and paano if she will still be required to do AR? Saan kukuha ng panahon iyon?”

Panawagan ng kalakhan ay matutukan na ng DepEd ang isyu ng bilihan ng research nang hindi na ito lumala pa. Kasabay nito, dapat din umanong balikan ang tunay na layon ng research pati ang kakayahan ng mga guro — kung ‘well-equipped’ ba talaga silang makatapos ng mga papel-pananaliksik.