Nation

BENTAHAN NG ACADEMIC REQUIREMENTS TALAMAK SA SOCIAL MEDIA

/ 24 March 2021

TILA bumababa na ang kalidad ng edukasyon ngayong panahon ng distance learning kasabay ng biglang pagsikat ng ‘academic commissions’ o ang pagbenta at pagbili ng ready-made requirements sa high school at college.

Naglipana ang sari-saring ‘academic commissions’, ‘schoolwork commissions’, ‘paggawa ng homework’, ‘online class friend’, at iba pang Facebook pages nang ideklara ng Department of Education at Commission on Higher Education ang pagpapatuloy ng distance learning modality sa gitna ng pandemya.

Sa commission system, magpo-post ang estudyanteng ‘commissioner’ ng mga serbisyong maaari niyang gawin kapalit ng munting halagang idedeposito sa online bank o virtual wallet. Ilan sa mga ito’y ang paggawa ng schoolwork, pagsagot ng modules, pagtatapos ng research papers, pagsulat ng essays at creative work, at pag-eedit ng videos.

Ang bawat class requirement ay kadalasang nagkakahalagang P150 hanggang P500, depende kung general elective o major class ang gagawan ng output. Tumatanggap din ng cellphone load bilang bayad kung minsan.

Nakapanayam ng The Philippine Online Student Tambayan ang ilan sa mga ‘commissioner’. Ayon sa kanila, dahil pahirapan na ang tutorial services, academic commissions na lamang ang naiisip nilang paraan para makaipon ng allowance at matustusan ang sariling pangangailangan.

Ayon sa isang ininterbyu, karamihan sa kanyang mga kliyente ay senior high school at college students na naka-enroll sa mga sikat na unibersidad gaya ng Polytechnic University of the Philippines, Bicol University, at University of the East.

Sa paggawa ng assignments at term papers ng ibang estudyante’y kumikita siya ng halos P500 kada araw. Iniipon niya ito para pambayad sa internet at pambili ng bagong laptop.

Mas malaki umano ang bayad kung ‘request’ ng kliyente na siya ang pumasok sa online class at mag-notes sa lecture ng guro. Hindi naman ito nabibisto sapagkat hindi naman kailangang magbukas ng camera sa Zoom o Google Meeting.

Noong nakaraang semestre pa nga’y tila naragdagan ang kanyang enrolled subjects dahil siya na ang sumasagot ng quizzes at online exams ng isa sa kanyang mga suki.

Samantala, nang tanungin naman ng The POST ang ilan sa mga kliyente kung bakit sila bumibili ng requirements sa halip na mag-aral, tugon nila’y, “hindi naman kami natututo.”

“Naka-record naman ang lecture ni ma’am kaya hindi ko na rin kailangang um-attend sa class,” sabi ng isa.

Sinang-ayunan ito ng nakapanayam na college student at binigyang-diin pang “wala naman akong natututunan kaya ipagagawa ko na lang sa iba ang assignment ko.”

Kailangan anilang pumasa para makapag-enroll kaya sila bumibili at nagpapagawa ng class activities.

Hindi nila ito nakikitang isyu ng plagiarism, pagnanakaw, o pandaraya, sapagkat ayon sa kanila’y ina-avail lamang nila ang serbisyo ng mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong pinansiyal — parang tutorial services pero online.

‘Contract cheating’

Bukambibig ng mga kliyenteng mag-aaral na wala silang natututunan sa panahon ng distance learning. Ang iba pa nga’y nagbabayad ng ‘proxy’ na dadalo para sa kanilang online classes. Mula rito, mahihinuha ang tendensiyang pagpasa ng mga mag-aaral nang hindi sila ang aktuwal na gumagawa ng mga kahingian ng kurso.

Samu’t saring pananaliksik na ang lumabas kaugnay nito. Ayon sa Turnitin, ang sistemang benta-bili ng mga akademikong gawain ay tinatawag na ‘contract cheating’.

Masasabi ng mga mamamayan na bunga ito ng hindi estabilisadong takbo ng edukasyon sa panahon ng pandemya. Subalit ang isyu rito’y higit pa sa pagkatuto — integridad at katapatan din.

Lalo na kung hindi ito itinuturing na ‘pandaraya’ ng mga bumibili at nagbebenta ng academic services.