Nation

BENEPISYO, PROTEKSIYON PARA SA MGA GURO ISINUSULONG

/ 6 October 2021

IGINIIT ni Senadora Risa Hontiveros na hindi dapat natatapos sa mga salita ang pagbibigay-pugay sa mga guro na patuloy ang pagsasakripisyo para sa mga estudyante.

“Dedikasyon at katatagang hindi matatawaran. ‘Yan ang ipinamalas ng mga guro nang harapin nila at ng ating mga mag-aaral ang matinding hamon ng distance education,” pahayag ni Hontiveros bilang pagbibigay parangal sa mga guro sa pagdiriwang ng World Teachers’ Month.

“Kaya hindi dapat natatapos sa mga salita ang pagpupugay sa kanila. Kalakip dapat nito ang suporta, benepisyo, proteksiyon at allowances na dapat ay kanilang natatamasa. They deserve better. It’s time we pay up. Healthy at secure ang future ng bansa kung healthy at naaalagaan din ang kapakanan ng ating mga teachers,” dagdag ng senadora.

Binigyang-diin naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat na dapat ding bigyang-pugay ang mga guro na naglingkod at nagsilbi sa mga kabataang Lumad sa kabila ng mga harassment at intimidasyon ng estado ngunit tumindig at nagpapatuloy sa buong-pusong pagsisilbi at pagtataguyod sa kapakanan ng mga kabataan.

“Hindi biro ang dedikasyon ng mga guro ng bayan na humaharap ngayon sa mga hamon ng pandemya. Palakasin natin ang panawagan ng mga guro para sa sapat na badyet at suporta sa edukasyon at para sa kanilang kagalingan at karapatan,” pahayag ni Cullamat.

“Tuloy ang pakikiisa na panawagan na ligtas na balik-paaralan, dagdag pasahod, dekalidad na edukasyon at agarang ayuda para sa mga guro at estudyante,” dagdag pa ng kongresista.