Nation

BATANGAS STATE U BILANG NATIONAL ENGINEERING U APRUB NA SA HOUSE PANEL

/ 12 March 2021

INAPRUBAHAN na ng House Committee on Higher and Technical Education ang panukalang ideklara ang Batangas State University bilang national engineering university.

Sa virtual hearing ng komite, sa pangunguna ni Baguio City Rep. Mark Go, pinagtibay ang House Bill 8569  o ang proposed Batangas State University Charter of 2021 na inihain nina Representatives Vilma Santos-Recto, Elenita Milagros Ermita-Buhain, Raneo Abu, Ma. Theresa Collantes, Lianda Bolilia at Mario Vittorio Marino.

Iginiit ng mga kongresista na target ng BSU na maging learner-centered at reform-focused, gayundin ang pagbibigay ng mas malawak na oportunidad sa mas maraming kabataan at sektor ng pamayanan.

Binigyang-diin din ng mga author ng panukala na sa loob ng 118 taon, mahaba ang patunay ng pagbibigay ng dekalidad at accessible na edukasyon at training sa Filipino youth ng BatStateU.

Simula nang ma-convert bilang state university, umabot na sa 200 topnotchers sa licensure examinations na karamihan ay sa engineering at iba pang top performing programs ang nagsipagtapos sa unibersidad.

Sa ngayon, ang unibersidad ay may 11 campus at 41,132 estudyante mula sa 35 lalawigan, lungsod at munisipalidad.

Una nang tinagurian ang unibersidad bilang model higher education institution ng Commission on Higher Education noong 2016 bukod pa sa pagkakatalaga bilang Level 4 state university.