BASILAN STATE COLLEGE GAGAWIN NANG UNIVERSITY
LUSOT na sa third and final reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na gawing unibersidad ang Basilan State College sa Isabela City kasama na ang extension campuses nito sa mga munisipalidad ng Tipo-Tipo at Maluso at lungsod ng Lamitan.
Ayon sa pangunahing may akda ng House Bill 7697 na si Basilan Rep. Mujiv Hataman, malaking tulong sa pagpapaunlad sa lalawigan ang pag-convert sa BASSC bilang Basilan State University makaraan silang balutin ng takot ng terorismo sa nakalipas na mga taon.
Sinabi ni Hataman na ang pag-apruba ng Kamara sa panukala ay hakbang palapit sa ninanais nila na pagkakaroon ng unibersidad sa Basilan.
“The development of our province has been stunted by war and terrorism. Pero ngayon ay tuloy-tuloy na po ito,” pahayag ni Hataman na inaming dating malawak ang impluwensiya ng Abu Sayyaf sa kanilang lalawigan.
“This is but one of our key education initiatives in Basilan to equip our people with the necessary knowledge and skills to help us in nation-building,” dagdag pa ni Hataman.
Kung maitutuloy ang conversion sa university, sinabi ni Hataman na mas maraming estudyante ang kanilang mabibigyan ng oportunidad sa edukasyon at mapalalakas pa ang academic performance ng educational institution.
“Napakaraming makikinabang dito kapag naisabatas ito at naging realidad ang Basilan State U,” diin pa ni Hataman.
Bukod dito, isinusulong din ng kongresista ang pagtatatag ng Basilan Science High School, Basilan Sports Academy at TESDA office sa Isabela City.