BASIC EDUCATION FACILITIES NA POPONDOHAN SA 2021 GAA BUBUSISIIN NG KAMARA
IPINALALABAS ng ilang kongresista sa Department of Education ang talaan ng mga gagawing pasilidad na popondohan sa 2021 General Appropriations Act.
Sa House Resolution 1215 na in-adopt ng House Committee on Mindanao Affairs sa pangunguna ni Cong. Mohamad Khaid Dimaporo, iginiit na dapat isumite ng DepEd ang itemized list ng Basic Education facilities na isinailalim sa ebalwasyon ng Department of Public Works and Highways.
Nakasaad sa resolution na alinsunod sa Republic Act 11465 o ang General Appropriations Act of 2020, naglaan ng P29.5 bilyon para sa Basic Education facilities ng DepEd.
Inaatasan din sa GAA 2020 ang ahensiya na isumite sa Department of Budget and Management, House of Representatives at sa Senado ang talaan.
Kailangang nakadetalye sa talaan ang lokasyon at standards kasama na ang specifications ng mga pasilidad para sa konstruksiyon mula 2020 hanggang 2022.
“The GAA further mandates that the list to be submitted must have been evaluated by the DPWH Bureau o Designs and Bureau of Construction, and ready for implementation,” pahayag pa sa resolution.
Sa naging pagdinig ng Kamara sa pondo ng DepEd, inihayag ng ahensiya na nakapagsumite na sila ng listahan sa DPWH na patuloy na sumasailalim sa ebalwasyon.
Iginiit ng mga kongresista na kung hindi maisasapubliko ang talaan ay mawawalan sila ng oportunidad na masuri kung nakatutugon sa pangangailangan sa edukasyon ang mga pasilidad.
“The absence of the duly evaluated list negates a verifiable basis in providing appropriations to DepEd for Basic Education Facilities in FY 2021 GAA,” binigyang-diin pa sa resolution.