BAKUNA SA MINORS PAGLAANAN NA NG BUDGET — SENADOR
IMINUNGKAHI ni Senador Sonny Angara na ngayon pa lamang ay talakayin na ng Kongreso ang paglalaan ng pondo para sa pagbili ng mga bakuna na ituturok sa mga kabataan.
Sinabi ni Angara na bagaman pinag-uusapan pa kung papayagan na sa bansa ang pagbibigay ng bakuna sa mga kabataan, dapat na ring isama sa budget hearings na sisimulan sa Agosto ang paglalaan ng pondo.
“Kailangang gawing prayoridad ‘yan sa 2022 budget dahil wala pong allotment sa 2021 budget. ‘Yung P82.5-B sa Bayanihan 2 ang intensiyon ay para sa mga adult population ng ating bansa pero kung may naiwan doon puwedeng umpisahan kung sakali,” pahayag ni Angara.
Bukod sa 2022 national budget, iginiit ng senador na maaari ring ikonsidera ang bakuna para sa kabataan sa ilalim ng Bayanihan 3.
“Puwede rin, isa ring opsyon ‘yan pero hindi pa klaro kung may pondo para sa Bayanihan 3,” paliwanag ng senador.
Una nang nanawagan si Angara sa Food and Drugs Administration at sa Inter Agency Task Force na aralin na ang ginagawa ng ibang bansa na sinasaklaw na rin ang kabataan sa pagbabakuna kontra Covid19.
“Ang rason natin dito ay para maumpisahan ang face-to-face para makasiguro rin ang mga magulang na safe ang kanilang mga anak,” dagdag ni Angara.