Nation

BAKUNA SA MGA ESTUDYANTE MALABO PA — SENADOR

/ 8 August 2021

AMINADO si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian na malabo pang masimulan ang pagbabakuna sa mga kabataan dahil sa kakapusan ng suplay.

Sinabi ni Gatchalian na sumulat siya kay National Task Force on Vaccination Commander General Carlito Galvez upang hilingin ang pagbabakuna sa teenagers.

“In fact, nagpadala na ako ng sulat kay General Galvez na mapag-aralan at nagbigay ako ng mga example at nagbigay ako ng mga studies. And of course ang naging sagot niya, kulang tayo sa vaccine,”pahayag ni Gatchalian.

“Bilang chairman ng basic education committee, ipinaliliwanag natin sa kanya ang kahalagahan ng face-to-face classes at ang solusyon para magkaroon tayo ng face-to-face ay mabakunahan na ang mga bata,” dagdag ng senador.

Ipinaalala ng mambabatas na sa Delta variant, maging ang mga bata ay tinatamaan na.

“At nakita ko rin dito sa Delta variant na ito may mga nababasa ako na maraming teenagers ang nai-infect. Hindi sila namamatay pero nagkakasakit at nagiging carrier. Baka madala nila sa kanilang mga lolo at lola ang virus, medyo delikado,” giit ng senador.

Muli namang nanindigan si Gatchalian sa pagsisimula na ng face-to-face classes sa mga lugar na walang naitalang Covid19 cases.

“In fact, nakita ko halos 100 plus na mga LGU ay walang Covid. Ang iba dito mga isla, iba mga nasa bundok, payagan na silang mag-face-to-face classes. Maraming nagtatanong sa akin na LGU bakit daw sila hindi pinapyayagan eh wala naman silang kaso. Pero sa urban centers tulad ng Metro Manila, Iloilo, Cagayan de Oro, ‘yan talagang hindi pwede,” paliwanag pa ng mambabatas.

“Actually, nalungkot nga ako nung tumaas ang kaso natin dahil isa sa mga tatamaan dito ay ang mag-aaral natin. Ninanais ko pa rin na makabalik tayo sa face-to-face,” dagdag pa ni Gatchalian.