BAKUNA MUNA BAGO F2F CLASSES — YOUTH GROUP
IGINIIT ng isang youth group na dapat mabakunahan muna ang mga estudyante at school personnel bago magsagawa ng face-to-face classes.
Ayon sa Samahan ng Progresibong Kabataan, bagaman kailangan nang buksan ang face-to-face classes, dapat munang masiguro na protektado ang mga ito laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng bakuna.
“Tunay na kinakailangan ang muling pagbubukas ng face-to-face classes upang mapataas ang kalidad ng edukasyong nakukuha ng mga estudyante at nang sa gayo’y hindi makompromiso ang kanilang pagkatuto ng mga kinakailangang kakayahan at kaalaman na magagamit sa iba’t ibang larangan ng trabaho,” pahayag ng grupo.
“Gayunpaman, hindi rin dapat makompromiso ang kalusuga’t kaligtasan ng bawat estudyante, guro, at iba pang non-teaching personnel na sasabak sa face-to-face classes,” dagdag nito.
Patuloy rin ang panawagan ng SPARK sa pamahalaan, CHED at DepEd na siguraduhin ang kumpleto at agarang pagbabakuna sa mga estudyante, guro, at mga non-teaching personnel bago pa man ang muling pagbubukas ng face-to-face classes sa bansa.
Ayon pa sa grupo, kailangan din ang regular na RT-PCR testing sa mga estudyante’t guro, pati na rin sa mga trabahador ng paaralan at ang pagsasaayos sa mga pasilidad ng eskwelahan upang masiguro na masusunod ang health at safety protocols.
“Ang kalusuga’t kaligtasan ng kabataan ay magdidikta sa hinaharap ng ating bayan kaya nararapat lamang na bukod sa edukasyon ay masiguro rin ang kanilang kaligtasan at ng mga manggagawa ng paaralan,” dagdagpa ng grupo.